Smuggled

Smuggled na produktong agri kontaminado ng formalin

201 Views

NAGBABALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan laban sa umano’y mga smuggled na produktong agrikultural na kontaminado ng formalin, at nanawagan sa Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA), at Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES) Council na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa agricultural smuggling.

Sa panayam sa DWIZ, isiniwalat ni Pangilinan na batay sa impormasyong kanyang natanggap, may ilang produkto mula China na dapat sana ay itinatapon na, ngunit ginamitan umano ng formalin para magmukhang sariwa bago ipasok sa merkado.

“Nakakalason ‘yan. Murang pinapasok dito dahil dapat tinatapon na ‘yan – unfit na ‘yan. Nilulublob sa mga kemikal para magmukhang sariwa at saka nilalabas,” giit ng senador.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, binigyang-diin ni Pangilinan na hindi lamang mga lokal na magsasaka at mangingisda ang naaapektuhan ng smuggling kundi pati ang kalusugan ng karaniwang mamimiling Pilipino.

“Ang taumbayan, hindi lang mga magsasaka at mga mangingisdang lokal ang talagang naapektuhan dito: pati ang ating (mga) mamimili,” aniya.

Ayon pa sa senador, may mga shipment na hindi dumaan sa kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) dahil sa maling deklarasyon bilang processed food. Dahil dito, hindi na ito nasuri at direktang nakarating sa merkado.

“In the end, nakakasira ito sa kalusugan ng ating mga kababayan. Sadyang nilalason ang ating mga kababayan. At pangalawa, talagang pinapatay ang ating local farmers at fisherfolk,” dagdag niya.

Nanawagan si Pangilinan sa mga ahensya na ayusin ang sistema sa border inspection at palakasin ang pagkalap ng impormasyon upang maharang ang mga ilegal na kargamento. Aniya, kailangan ang tulong-tulong na aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang masugpo ang agricultural smuggling.

Ang formalin ay kemikal na may formaldehyde at karaniwang ginagamit sa laboratoryo at embalming. Hindi ito ligtas gamitin sa pagkain at itinuturing na mapanganib sa kalusugan.

Patuloy ang pagtulak ni Pangilinan ng mga reporma sa agrikultura sa Senado upang maprotektahan ang mga konsumer at maibangon ang lokal na sektor ng agrikultura.