Sen. Estrada

Jinggoy itinangging tumanggap ng pondo para sa flood control projects

168 Views

MARIING itinanggi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagkakadawit sa umano’y anomalya sa pondong inilaan para sa mga flood control projects, kasunod ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsampa ng mga kaso kaugnay nito.

“Wala akong tinanggap na anumang pondong nakalaan para sa mga flood control projects, at kaya kong patunayan ito sa hukuman,” ayon kay Estrada sa opisyal niyang pahayag. Iginiit niyang ang mga paratang laban sa kanya ay “pawang hearsay o batay lamang sa sabi-sabi.”

Bagaman hindi pa inilalabas sa publiko ang buong ulat ng ICI, nabatid na tinukoy nito ang ilang iregularidad sa paggamit ng pondo sa mga proyektong may kinalaman sa pagsugpo ng pagbaha.

Tiniyak ni Estrada na bukas siya sa anumang legal na proseso. “Handa akong ipagtanggol ang aking sarili at dumaan sa anumang proseso ng batas upang patunayan na nagsasabi ako ng totoo at nanatiling tapat sa aking tungkulin bilang lingkod-bayan,” aniya.

“Lilinisin ko ang aking pangalan, at buo ang aking tiwala na sa tamang panahon, mananaig ang katotohanan,” dagdag pa ng senador.

Giit pa niya, hindi siya nagpapapigil sa gitna ng akusasyon. “The recommendation of the Independent Commission for Infrastructure (ICI) does not weaken my resolve to prove that I have done nothing wrong,” aniya. Bukas umano siyang sagutin ang mga paratang sa tamang hukuman.

“Justice must be served not through speculation, but through truth and due process,” pagtatapos ni Estrada.