DPWH Source: DPWH file photo

Isinusulong sa Senado: Pamantayan vs overpricing, mas malakas na transparency

269 Views

ISINUSULONG ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang isang panukalang batas na magtatakda ng iisang pamantayan at sistemang teknikal sa pagtaya ng gastusin sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan, upang masawata ang overpricing at mapalakas ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1467 na inihain noong Oktubre 27, ipinatutupad ang paggamit ng Detailed Unit Price Analysis (DUPA) — isang detalyadong talaan ng gastusin para sa labor, materyales, kagamitan, at iba pa. Ayon kay Escudero, dapat itong maging rekisito bago isama ang anumang proyekto sa National Expenditure Program (NEP) o bago pa man ilabas ang pondo.

Tugon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ng 50% ang halaga ng mga construction materials at gawing permanente ang reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Hindi puwedeng tantiyahan lang ang halaga ng proyekto. Dapat may batayan, may detalye, at may pananagutan,” ani Escudero.

Dagdag pa niya, “Kapag malinaw ang presyo ng bawat pako, semento, at serbisyo, mas nagiging tapat ang paggastos ng gobyerno. Mas nakikita ng taumbayan kung saan napupunta ang bawat piso.”

Sa isang liham kay Senador Win Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance, hiniling ni Escudero na isaalang-alang ang panukala sa pagtalakay ng pambansang badyet para sa 2026.

Aniya, aabot sa ₱1.56 trilyon ang inilaan para sa inprastruktura sa susunod na taon — halos 23% ng buong pambansang badyet — ngunit nananatiling malabo at pabago-bago ang batayan ng pagtatakda ng halaga ng mga proyekto.

Binigyang-diin ng senador ang ulat ng DPWH hinggil sa umano’y overpricing ng hanggang 50% sa mga materyales tulad ng asphalt, semento, at bakal.

Ayon sa kanya, may namumuong “arbitrary yet systematic scheme” kung saan ginagamit umano ang tinatayang halaga ng proyekto bilang palatandaan ng mga proyektong nakalaan sa piling kontratista.

Sa panukala, lahat ng proyektong pang-imprastruktura mula sa mga pangunahing ahensya tulad ng DPWH, Department of Agriculture, Education, at Health ay kinakailangang may kalakip na DUPA bago aprubahan o pondohan.

Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng isang pambansang manual sa cost estimation na i-update kada tatlong taon, at ang pagpapatupad ng training programs para sa mga inhinyero, auditor, at budget officer.

Babala ni Escudero, ang sinumang opisyal ng pamahalaan na sadyang magtatanggal o magpapalsipika ng DUPA data ay maaring patawan ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, bukod pa sa kaukulang parusa sa ilalim ng batas.

“Hindi lang ito teknikal na kasangkapan; isa itong pananggalang sa maling paggastos,” ani Escudero. “Pinapalakas nito ang disiplina sa badyet, nagbibigay daan sa iba pang mahahalagang programa, at nagpapatibay ng tiwala ng publiko sa paggugol ng pamahalaan.”