Calendar
Manila, North, South Cemeteries binisita ni Mayor Isko
DALAWANG araw bago ang Undas, personal na binisita ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Manila North, South, at Islamic Cemeteries Huwebes ng umaga upang matiyak ang kahandaan sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang alkalde nang masaksihan ang maayos na paghahanda nang kanyang inspeksiyunin ang inilatag na crowd control system, health stations, at maging ang pasukan at labasan ng mga Kampo Santo matapos ang kanyang direktiba sa Manila Health Department at iba pang tanggapan na agahan paghandaan sa araw ng Undas.
Maging si Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente ay inatasan din ng alkalde na maglatag ng paraan upang makatulong sa mga pamilya at kanilang mga anak na posibleng mawalay dahil sa dami ng tao.
Nagpaalala rin ang alkalde sa publiko na sundin ang mga inilabas nilang patakaran at panuntunan, lalu na ang pagbabawal sa pagdadala ng baril o anumang uri ng patalim dahil tiyak aniyang mahuhuli sila ng mga nagkalat na unipormado at naka-sibilyang mga pulis sa loob at labas ng mga sementeryo.
Maging ang pagbabawal sa pagdaraos ng kasiyahan sa pamamagitan ng pagdadala ng karaoke machines at nakalalasing na alak ay ipinaalala rin ng alkalde sa publiko. “Siguro kung nakakapagsalita lang yung ating mga nahimlay, mas gugustuhin nilang makasama kayo ng tahimik habang binibisita sila,” sabi ng alkalde.
Binalaan din niya ang mga mandurukot at iba pang gagawa ng kabuktutan sa kapuwa at magasamantala sa dagsa ng tao sa sementeryo na huwag ng magtangka.
“Kayong mga tulisan at tolongges, huwag na kayong magbalak. Baka magkaroon ng insidente, kayo naman ang dadalawin next year. You never know! Hindi ko mapipigilan ang taong-bayan kapag kinuyog kayo. We don’t encourage it, pero sa galit ng tao, ewan ko na lang,” paalala pa ng alkalde.

