Ping. Lacson

Lacson: Credibilidad ni Guteza maaaring maapektuhan

323 Views

HANGGANG saan pa aabot ang panloloko?”

Ito ang tanong ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes matapos niyang tawagin na kasinungalingan ang pahayag na ang dating Technical Sergeant Orly Guteza ay nasa kustodiya umano ng Philippine Marines.

Ayon kay Lacson, mismong si Philippine Marines Commandant Maj. Gen. Vincent Blanco III ang nagkumpirmang hindi kailanman napasailalim sa kustodiya ng Marines si Guteza, taliwas sa sinabing ito ng dating Kinatawan na si Michael Defensor.

“As per verification made with the Marine Commandant, MGen Vince Blanco (PMA Cl ’91), through fellow cavaliers, Guteza is not and has never been under their custody. How much more fakery can we take?,” ani Lacson sa isang post sa X.

Noong Miyerkules, sinabi ni Defensor sa isang panayam sa telebisyon na nasa kustodiya umano ng Marines si Guteza. Ipinrisinta si Guteza bilang “saksi” sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25 ni Senador Rodante Marcoleta, na nagsabing si Defensor ang nagpakilala kay Guteza sa kanya.

Ibinunyag din ni Lacson na nakita ng Executive Judge ng Manila Regional Trial Court na hindi tugma ang pirma sa notarized affidavit ni Guteza sa pirma ng abogadang si Petchie Espera na sinasabing diumanoy nag notaryo.

Inirekomenda ng hukom na isailalim sa preliminary investigation si Guteza at ang mga nagsumite ng kanyang affidavit para sa posibleng kasong falsification.

Dagdag pa ni Lacson, lumabas sa CCTV footage ng Senado na dumating si Guteza sa Senado noong Setyembre 25 ganap na 8:27 a.m. at tumigil muna sa opisina ni Marcoleta ng halos 30 minuto bago bumaba sa gallery ng session hall kung saan ginaganap ang pagdinig.

Nauna nang inangkin ni Guteza na naghatid siya ng mga maleta ng pera sa mga bahay ng dating Kinatawan na si Elizaldy Co at ng dating Speaker na si Martin Romualdez. Itinanggi ni Romualdez ang alegasyon.

Binigyang-diin ni Lacson na bagamat nananatiling bahagi ng opisyal na rekord ng Blue Ribbon Committee ang pahayag ni Guteza, maaaring maapektuhan ang kanyang kredibilidad sa gitna ng mga bagong impormasyon.