NHA

‘Condonation 7’ in-extend ng NHA hanggang Dec 31

Jun I Legaspi Nov 2, 2025
438 Views

PINALAWIG ng National Housing Authority (NHA) ang ‘Condonation 7’ program hanggang Disyembre 31, 2025 upang matulungan ang mga housing beneficiaries na naapektuhan ng mga kalamidad.

Inisyatiba ni NHA General Manager Joeben Tai ang programa na nag-aalis ng 100% ng mga multa at delinquency interes at 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon para sa libu-libong delinquent accounts ng ahensya.

“Nauunawaan namin ang kalagayang pinansyal ng bawat benepisyaryo ng ating mga pabahay, lalo’t higit po yung mga naapektuhan po ng magkakasunod na habagat, bagyo at lindol kaya’ hinihikayat pa po namin ang mas marami pa naming account holders na pumunta po sa NHA at i-avail po ang programang ito,” sabi ni GM Tai.

May kabuuang P497.951 milyong halaga ng interest charges na ang inalis mula sa 9,850 benepisyaryo ng NHA.

Sa ilalim din ng programa, maghahandog ang NHA ng mga insentibo sa mga benepisyaryong may updated na account o magandang rekord ng pagbabayad sa kanilang buwanang amortisasyon, tulad ng mga diskwento at iba pang benepisyo.

Bilang pagsuporta sa nasabing inisyatibo, nagsasagawa rin ang NHA ng malawakang information at application drives upang magpaalala sa mga housing beneficiaries tungkol sa mga requirements na kailangan nilang isumite upang makapag-apply sa programa.

Ang Condonation 7 ay isa sa mga programa ng NHA alinsunod sa pagdiriwang nito ng ika-50 nitong founding anniversary ngayong taon.