BBM

Mga nakakuha ng CELA nagpasalamat

Jun I Legaspi Nov 2, 2025
193 Views

NAGPASALAMAT ang mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa pamamahagi ng mga Certificate of Lot Award (CELA) sa mga pamilyang matagal nang naghihintay magkaroon ng sariling lote at bahay.

Tinanggap ng mga kinatawan ng mga accredited homeowners’ associations (HOAs), na kabilang sa mga benepisyaryo ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), ang kani-kanilang CELA mula mismo sa Pangulo sa ginanap na National Housing Expo 2025.

“Masayang-masaya kami… isa ito sa mga naging daan para magkaroon kami ng sarili naming bahay,” ayon kay Noli Parcon, kinatawan ng Megaville 2 HOA sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Ibinahagi rin niya ang kanyang paghanga sa sinseridad ng Pangulo sa pamamahagi ng CELA na nagbigay ng kapanatagan sa mga informal settler.

Si Erlinda Asiao ng Pasig inilarawan ang okasyon habang emosyonal dahil tapos na ang mahigit dalawang dekada niyang pag-iintay para makuha ang CELA.

“Actually, natutuwa talaga kami… for almost 25 years na kami nakatira sa lugar namin sa Pasig. Ngayon lang talaga nagkaroon ng katuparan na magkaroon na kami ng sariling papel… nag-uumapaw kami sa galak, sa tuwa,” sabi ni Asiao.

Para naman kay Amy Honrado ng Wawang Pulo HOA sa Valenzuela City, nagbigay ng kapanatagan ang sertipiko matapos ang ilang taong pangamba at kawalan ng kasiguruhan.

“Akala namin talaga hindi na siya mate-take out… Iniisip namin baka bigla na lang kami mapaalis.

Pero ito na nga, dumating na nga yung point na mate-take out na kami ang saya-saya, overwhelming, parang iba yung pakiramdam kasi nandito kami, makakaharap namin yung Presidente… Sana po tuloy-tuloy po yung pagtulong niya sa tao,” aniya.

“Super saya po kasi after how many years na paghihintay namin… hindi po biro ang mangupahan dahil sa taas ng mga presyo ng bilihin. At last, nakamit na po namin yung aming dream na magkaroon ng sariling bahay at lupa,” sabi ni Nalie Villegas

Mula nang maupo noong Mayo, muling pinasigla ni Secretary Jose Ramon Aliling ang maka-mahirap at people-centric na ECMP alinsunod sa direktiba ng Pangulo na palawakin ang 4PH Program.

Tinatayang 5,000 pamilya ang makikinabang mula sa 34 na proyektong ECMP na pinangungunahan ng Social Housing Finance Corporation.