Pagasa Source: DOST-PAGASA

Signal No. 1 nakataas sa ibang lugar; bagyong Tino nasa PH na

5579 Views

LUMAKAS at posibleng maging isang matinding tropical typhoon si Tino, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) hapon ng Linggo.

Ayon sa Pagasa, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Eastern at Northern Samar, Hilagang Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Camotes, Dinagat at Surigao del Norte Islands.

Sa ulat ng Pagasa ng alas-4 ng hapon ng Nobyembre 2, namataan si Tino sa layong 805 kilometro sa silangan ng Silangang Visayas.

Taglay nito ang hanging may lakas na 95 kilometers per hour (kph) na may pagbugsong aabot sa 115 kph, at kumikilos pakanluran sa bilis na 30 kph.

“Tino may rapidly intensify up to typhoon strength before making landfall at or near peak intensity over Eastern Samar or Dinagat Islands between late Monday and early Tuesday,” ayon sa Pagasa.

Hindi rin inaalis ng ahensiya ang posibilidad na umabot sa super typhoon category si Tino.

Sa Miyerkules ng umaga, tatawid si Tino sa Visayas at hilagang Palawan bago lalabas sa West Philippine Sea.

Maaaring nakalabas na ang bagyo sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Huwebes.

Si Tino, na may international name na Kalmaegi, ang ika-20 bagyo sa bansa ngayong taon.

Ayon sa Pagasa, minimal hanggang minor na epekto ng malalakas na hangin ang posibleng maranasan sa mga lugar na nasa ilalim ng TCWS No. 1.

Dagdag pa ng ahensiya, ang pag-ihip ng amihan o northeast monsoon kasabay ng pagdaan ni Tino ay magdadala rin ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, hilaga at silangang bahagi ng Cagayan, silangang bahagi ng Isabela, Aurora, Quezon, Lubang Islands, Marinduque, Calaguas Islands at Caluya Islands sa araw ng Linggo.

Inaasahang kikilos si Tino pa-kanluran sa susunod na tatlong araw at unang magla-landfall sa Eastern Samar o Dinagat Islands sa gabi ng Lunes o madaling araw ng Martes.

“Afterwards, Tino will traverse Visayas and northern Palawan before emerging over the West Philippine Sea on Wednesday morning or afternoon,” pahayag ng weather bureau.

Inaasahan ding patuloy na lalakas ang bagyo at maaaring umabot sa kategoriya ng typhoon sa loob ng susunod na 24 oras.

“The possibility of reaching super typhoon category is not ruled out based on alternate scenarios and climatological data. While the passage over the country will trigger a slight weakening, Tino is expected to remain as a typhoon throughout its passage over the country,” sinabi ng Pagasa.

Posibleng maglabas ng gale warning sa silangang baybayin ng Eastern Visayas at Caraga Region sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga, dahil sa inaasahang napakapangit na kondisyon ng dagat.

Nagpaalala rin ang Pagasa sa publiko at sa mga tanggapan ng disaster risk reduction and management na magsagawa ng lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.

“Persons living in areas identified to be highly or very highly susceptible to these hazards are advised to follow evacuation and other instructions from local officials,” dagdag ng ahensiya.

Caraga naghahanda sa bagyo

Samantala, naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan sa Caraga Region para sa posibleng epekto ng bagyong Tino, na inaasahang magsisimulang makaapekto sa rehiyon sa Lunes.

Pinulong ni Dinagat Islands Governor Nilo Demerey Jr. ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para sa isang disaster risk assessment meeting na dinaluhan ng mga opisyal ng lalawigan, kinatawan mula sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan, at mga katuwang na organisasyon.

Nanawagan si Demerey sa mga residente na maging handa at patuloy na subaybayan ang mga update at abiso mula sa mga kaukulang ahensiya at sa pamahalaang panlalawigan.

Kasunod ng bulletin ng Pagasa, sinuspinde ng Coast Guard Stations sa Dinagat Islands, Surigao del Norte at Siargao Island ang lahat ng biyahe sa dagat.

Ayon naman kay Surigao del Norte Governor Robert Lyndon Barbers, nakapulong na rin ang PDRRMC bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Tino.

Nagpaalala rin si Barbers sa mga residente, lalo na sa mga nakatira sa baybayin, na bantayan ang mga update sa lagay ng panahon at mga abiso mula sa mga awtoridad.

Gayundin, naglabas ng abiso ang Department of Tourism sa Caraga noong Sabado ng gabi, na nananawagan sa mga turista na mag-ingat, sumunod sa mga lokal na direktiba, at pansamantalang umiwas sa island-hopping o anumang aktibidad sa tubig hanggang matapos ang inaasahang landfall ng bagyo sa Nobyembre 4.

DSWD naka-full alert

Itinaas din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang full alert status sa lahat ng field offices nito bilang paghahanda sa bagyong Tino.

Sa isang statement, sinabi ng DSWD na pinalakas nito ang disaster supply chain sa ilalim ng Bagong Bansa Handa (BBH) Program, kung saan tiniyak nito na naka-preposition na ang relief goods sa mga bodega sa buong bansa bago pa man tumama ang sakuna.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG), gumagamit na sila ngayon ng dual supply chain system.

“Ang first system ay government-led kung saan mas pinalakas namin ang production at stockpiling ng family food packs. Nagdagdag tayo ng mga bodega at gumagamit din tayo ng warehouses ng LGUs through preposition agreements,” sinabi ni Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng DSWD.

Dagdag pa niya, ang ikalawang mekanismo ay nakabatay sa pakikipagtulungan sa mga pribadong distributor.

Sinabi rin ni Dumlao na sa pamamagitan ng mekanisado at manual na packing system ng Luzon at Visayas Disaster Resource Centers, kaya nang makagawa ng 18,000 hanggang 20,000 family food packs kada araw, na nagpapabilis sa replenishment at deployment ng relief goods sa mga lokal na pamahalaan.

Aniya, ito ay upang matiyak na ang DSWD ay “present anywhere, anytime,” lalo na sa panahon nang sabay-sabay o malawakang sakuna.

Upang higit pang mapalakas ang disaster response, handa rin ang DSWD na magpadala ng mga specialized equipment gaya ng mobile command center, mobile kitchen, water trucks at water treatment units upang suportahan ang mga evacuee at magbigay ng ligtas na inuming tubig.

Ayon sa Pagasa, si Tino ay pumasok sa PAR ng alas-5:30 ng umaga ng Linggo.

Noong Linggo ng umaga, may kabuuang 558,098 family food packs na naka-preposition na sa DSWD warehouses sa buong bansa, kabilang ang 122,884 food packs sa Mimaropa; 89,566 sa Region 6 (Western Visayas); 70,799 sa Negros Island Region; 71,539 sa Region 7 (Central Visayas); 121,331 sa Region 8 (Eastern Visayas); at 81,989 food boxes sa Caraga. May kasamang ulat mula sa PNA