Gatchalian

Pagpalawak ng zero-balance billing program iminungkahi

214 Views

IMINUNGKAHI ni Senador Sherwin Gatchalian na ilipat ang ilang bahagi ng P49 bilyong pondo ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang mapalawak ang zero-balance billing program ng gobyerno.

“Masakit makita na may mga kababayan pa rin tayong pumipila sa opisina ng mga politiko para humingi ng tulong. Nilalagay natin sa kamay ng mga politiko ang desisyon sa buhay at kamatayan, hindi tama ‘yon. Dapat ang sistema mismo ang tumulong sa ating mga kababayan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.

“Ilagay na lang natin ‘yung pondo sa zero-balance billing program. Kailangan nating repormahin ang Universal Healthcare para masiguro na lahat ng Pilipino ay may access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan nang hindi nababaon sa gastos,” dagdag pa niya.

Iginiit din ng Senate finance panel na sapat na dapat ang zero-balance billing program at ang PhilHealth para matulungan ang mga pasyente sa mga pampublikong ospital.

Gayunman, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang palawakin pa ang kapasidad ng mga pampublikong ospital. Nauna na niyang sinabi na marami sa mga ito ang lagpas na sa bed capacity. Inaasahan, aniya, na kapag naipatupad nang buo ang zero-balance billing program, posibleng lalo pang tumaas ang occupancy rate.