Suspek

SA GITNA NG UNDAS, 31 MOST WANTED NASAKOTE NG PNP SA ISANG ARAW

241 Views

ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nanatiling alerto at aktibo ang Philippine National Police (PNP) Nobyembre 1, upang tiyakin na ang kaligtasan at kaayusan ng publiko ay hindi humihinto kahit sa Undas long weekend.

Habang milyon-milyong Pilipino ang dumalaw sa mga sementeryo at memorial park upang bisitahin ang puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay, patuloy na nagsagawa ang kapulisan sa buong bansa ng intelligence-driven operations, checkpoints, at iba pang police-initiated actions.

Dahil sa matinding pagtutok na ito, 31 Most Wanted Persons ang naarestado sa isang araw lamang, lahat ay may standing warrant of arrest sa iba’t ibang kinasangkutang krimen.

Binigyang-diin ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang hindi matitinag na dedikasyon ng PNP sa pagpapatupad ng batas.

“Habang marami sa ating kababayan ang nagdiriwang ng Undas, ang ating mga pulis ay nananatiling mapagbantay. Hindi nagbabakasyon ang pagpapatupad ng batas at seguridad publiko,” ani Nartatez.

“Hindi alintana kung long weekend o holiday, ang kaligtasan ng bawat Pilipino ang aming pangunahing prayoridad,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ni PNP Spokesperson at Chief PIO, PBGEN Randulf T. Tuaño, ang walang tigil na operasyon ng mga pulis sa buong bansa.

“Nandiyan ang aming mga tauhan sa ground, nagtatrabaho nang 24/7 upang tiyakin ang seguridad ng bawat komunidad. Nandiyan kami sa bawat lugar na nangangailangan ng katahimikan at kaayusan,” sabi niya.

Pinapaalalahanan ng PNP ang publiko na makipagtulungan sa mga kapulisan, sumunod sa batas trapiko, at i-report ang anumang kahina-hinalang gawain. Ani Acting Chief Nartatez, ang pagiging mapagbantay ng publiko kasabay ng maagap na aksyon ng kapulisan ang susi sa mas ligtas na komunidad.