Calendar
Gatchalian: Alisin koleksyon ng bill deposits
GUSTO ni Senador Sherwin Gatchalian na maibsan ang pasanin ng mga power consumers sa pamamagitan ng panukalang batas na magtatanggal ng koleksyon ng bill deposits mula sa distribution utilities (DUs) at electric cooperatives (ECs), at mag-uutos ng agarang refund ng mga naipong deposito pati na ang interes.
Isinampa ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1470, na kilala bilang “Anti-Bill Deposit Act,” upang wakasan ang kasalukuyang sistema ng pangongolekta ng deposito bago mapakabitan ng kuryente.
Ang bill deposit ay isang uri ng security deposit na hinihingi mula sa mga customer bilang garantiya na mababayaran nila ang kanilang susunod na konsumo. Sa ilalim ng panukala, ituturing itong hindi na kailangan at dapat na agad ibalik sa mga konsyumer.
“Sa ganitong paraan, masisiguro nating pantay-pantay at abot-kaya ang access ng lahat sa kuryente, nang hindi na kailangang magbayad ng deposito,” pahayag ng senador.
Nakasaad sa panukalang batas na ang refund ay dapat isagawa sa pamamagitan ng cash, tseke, o electronic transfer, maliban na lamang kung pipiliin ng konsyumer na ipambayad ito sa susunod na billing. Kasama sa refund ang buong halaga ng deposito at ang naipong interes hanggang sa petsa ng aktwal na pag-release.
Obligado rin ang Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng isang independent audit ng lahat ng umiiral na bill-deposit accounts sa buong bansa. Bukod dito, kailangang maglatag ang ERC ng mga alternatibong mekanismo para sa credit risk na hindi nangangailangan ng deposit. Kabilang dito ang prepaid o pay-as-you-go metering systems, installment o staggered payment schemes, at voluntary credit insurance o guarantee arrangements.
Pinamumunuan ni Gatchalian ang Senate Committee on Finance, at matagal na siyang nagtutulak ng mga reporma sa sektor ng enerhiya upang masiguro ang patas at transparent na serbisyo sa publiko.
Ayon sa senador, ang panukalang ito ay magbibigay-luwag sa mga pamilyang kapos sa kita, partikular sa mga bagong nagpapakabit ng kuryente, mga nasa malalayong lugar, at mga dating informal settlers na nais magkaroon ng legal na koneksyon sa kuryente.

