DOTr

DOTr di magsasagawa ng malakihang selebrasyon ngayong taon

Jun I Legaspi Nov 5, 2025
597 Views

HINDI na itutuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang taunang year-end performance assessment gathering ngayong taon bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iwasan ang magagarbong Christmas parties sa buong burukrasya, bilang pakikiisa sa mga biktima ng sunod-sunod na kalamidad.

Sa isang memorandum na inilabas noong Oktubre 30, inatasan ni Acting Secretary Giovanni Lopez ang DOTr at ang mga attached agencies nito na huwag nang magsagawa ng malakihang year-end celebrations.

Ipinaliwanag ng kalihim na bagama’t nakatutulong ang mga pagtitipon sa pagpapatibay ng samahan at morale ng mga kawani, ang ganitong mga okasyon ay gumagamit ng pondo ng pamahalaan at oras ng mga opisina para sa paghahanda.

“Sa mga nagdaang buwan, maraming kababayan natin mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang labis na naapektuhan ng mga kalamidad gaya ng lindol, bagyo, pagbaha, at pagsabog ng bulkan,” binigyang-diin ni Acting Secretary Lopez sa kanyang memorandum.

Hinikayat din ang mga attached agencies ng DOTr na huwag nang ituloy ang kani-kanilang year-end gatherings.

“Itinuturing na masinop at sensitibo na huwag nang magsagawa ng malakihang selebrasyon ngayong taon,” dagdag pa ni Lopez.