Calamity

53 lugar nasa state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng Bagyong Tino

939 Views

UMABOT sa 53 lungsod at munisipalidad ang nagdeklara ng state of Calamity dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Tino sa kanilang mamamayan, paligid at kabuhayan.

Batay ito sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Manangement Council o NDRRMC.

Kabilang sa mga nagdeklara ng state of Calamity ang buong lalawigan ng Cebu, Guiuan, Eastern Leyte at Silago, Southern Leyte.

Umabot naman sa 318,020 pamilya na katumbas ng 1,107,819 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa pitong rehiyon ng bansa.

Sa nasabing bilang 259,581 indibidwal mula sa MIMAROPA, Region 5, 6, 7, 8 , Caraga at Negros Island Region ang inilikas o pre-emptively evacuated .

Nasa 577,928 katao naman ang pansamantalang naninirahan sa 4,805 evacuation centers sa bansa.

Dahil sa lakas ng bagyong Tino, umabot sa 86 lugar sa MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 7 at Caraga ang nalubog sa baha.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang pagtulong ng gobyerno sa mga apektadong pamilya.

Sa ulat ng NDRRMC, umabot na sa P31,321,606.55 ang halaga ng tulong na naipaabot ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyo.