Calendar
Pagsumite ng ilang dokumento para sa prangkisa inalis ng LTFRB
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magpatupad ng mga hakbang para sa pagpapadali ng mga proseso ng negosyo sa bansa, inalis ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng paggabay ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, ang rekisito ng pagsusumite ng audited financial statements at taunang income tax returns para sa aplikasyon at renewal ng prangkisa ng mga pampublikong sasakyan (PUVs).
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, malaking tulong ito para sa maliliit na operator sa sektor ng pampublikong transportasyon na hirap makasunod sa mga dokumentong kinakailangan para sa pagkuha ng Certificate of Public Convenience (CPC).
“Marami po sa ating mga kasamahan sa transport sector ang nagrereklamo hinggil sa filing ng audited financial statements at annual income tax returns. Naiintindihan po natin sila, kaya’t ipinangako natin na rerepasuhin ito,” ani Chairperson Mendoza.“At base sa aming pagsusuri, ang filing ng audited financial statements at annual income tax returns ay hindi naman kailangan para sa operasyon ng public utility vehicles,” dagdag pa niya, at binigyang-diin na nagpalabas na ang Board ng isang Resolusyon kaugnay nito.
Noong Agosto 2024, naglabas ang LTFRB ng binagong mga alituntunin hinggil sa pagsusumite ng Annual Audited Financial Statements at Income Tax Returns ng mga operator, kabilang ang mga sakop ng Industry Consolidation sa ilalim ng Public Transportation Modernization Program (PTMP).
Subalit sa pinakahuling deliberasyon, napagkasunduan ng LTFRB Board na ang obligadong pagsusumite ng mga dokumentong ito ay hindi naman nagagamit sa pang-araw-araw na tungkulin ng ahensya at itinuturing na “hindi kailangan.”
Binigyang-diin din ni Chairperson Mendoza na ang paggawa sa Annual Audited Financial Statement/Income Tax Return bilang rekisito sa pagkuha ng Certificate of Public Convenience ay salungat sa direktiba ng Pangulo hinggil sa pagpapadali ng proseso ng negosyo, at taliwas sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Ayon sa LTFRB Resolution na may petsang Oktubre 30, 2025:
“Alinsunod sa pangako ng Board na patuloy na pahusayin ang kahusayan ng ahensya sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng mas pinasimpleng proseso at dokumentaryong rekisito, nararapat lamang na alisin ang pagsusumite ng Audited Financial Statement at/o Annual Income Tax Return kapalit ng Annual Report.”
Dagdag pa rito, nakasaad din na ang taunang pagsusumite ng mga nasabing dokumento, na dating rekisito sa ilalim ng Memorandum Circular Nos. 2018-002 at 2024-030, ay hindi na kinakailangan.
Gayunpaman, nilinaw ng Board na maaari pa rin nitong hilingin ang pagsusumite ng audited financial statements o income tax returns mula sa mga operator ng PUV kung kinakailangan.

