Rodriguez

Panawagan ni Rodriguez kay PBBM: Pagbabawal ng lahat ng online gaming activities

399 Views

NANAWAGAN si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipatupad ang kumpletong pagbabawal sa lahat ng uri ng online gaming activities.

Ginawa ni Rodriguez ang panawagang ito ilang araw matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang batas na nagfo-formalize ng kanyang naunang direktiba na nagpapagbawal sa lahat ng Philippine Offshore Gambling Operations (POGOs).

“Pinupuri natin si PBBM sa pagpirma ng batas laban sa POGOs, ngunit dapat isama rin sa pagbabawal ang online gaming. Kung ang mga manlalaro sa POGO ay mga dayuhan, ang mga tumataya naman sa online gaming ay karamihan mga Pilipino,” ani Rodriguez.

“Ang mga biktima ng e-gaming o e-gambling ay mga Pilipino. Karamihan sa kanila ay mahihirap. Mas pinipili nilang isugal ang ₱50 o ₱100 na kinita nila kaysa ibili ito ng pagkain para sa kanilang pamilya,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Rodriguez na kabilang sa mga tumataya ay ang mga kabataan, dahil madali silang makapasok sa online gambling, kabilang na ang mga estudyante.

“Ang kailangan lang nila ay cellphone na may access sa e-gambling at e-payment platforms,” aniya.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na hindi na dapat pagtalunan na ang online gaming ay nagpapalaganap ng pagkagumon sa sugal sa mga Pilipino.

“Itinutulak nito ang mga tao sa pagkakautang at sinisira ang mga pamilya. Pinapaniwala nito ang mga manlalaro sa mga madaliang paraan ng pagyaman, kaya nakakalimutan nilang magsikap nang marangal para kumita,” diin ni Rodriguez.

Iminungkahi rin ng mambabatas mula Mindanao na isama sa pagbabawal ang e-sabong, na ayon sa kanya ay patuloy pa ring isinasagawa ng mga lihim na operator.

“Dapat ay suspendido na ito, pero patuloy pa rin. Dapat maglunsad ng malawakang kampanya ang mga awtoridad laban dito,” aniya.

“Marami nang Pilipino ang namatay dahil sa e-sabong. Alalahanin natin ang 35 sabungero na nawala tatlo o apat na taon na ang nakararaan, na hanggang ngayon ay umaasa pa rin ang kanilang mga pamilya na matagpuan sila,” dagdag ni Rodriguez.