DOJ File photo ni JONJON C. REYES

Barzaga kasama sa 97 ‘persons of interest’ na kinasuhan sa DOJ

Alfred Dalizon Nov 6, 2025
483 Views

Dahil sa bayolenteng 9/21 rally

SI Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga ay kabilang sa 97 “persons of interest” na sinampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng marahas na mga rally noong Setyembre 21 sa Maynila, kung saan sinunog ng mga nagpoprotesta ang mga pag-aari ng pamahalaan at pribadong sektor at sinaktan ang mahigit 100 anti-riot police, ayon sa impormasyong nakalap ng Journal Group.

“Yes, he (Rep. Barzaga) is one of those charged with sedition and conspiracy and proposal to commit rebellion,” ayon sa isang impormante mula sa DOJ. Wala pang pahayag ang kongresista hinggil sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

Ayon sa source, ilan pang mga kilalang mambabatas, abogado, at personalidad na dating konektado sa administrasyong Duterte ay kasama rin sa mga sinampahan ng kaso, ngunit si Barzaga lamang ang pinangalanan. Ang naturang impormante ay nagsalita lamang sa kundisyong hindi siya papangalanan dahil wala siyang pahintulot na magsalita tungkol sa usapin.

Si Rep. Barzaga ay kasalukuyan ding humaharap sa ethics complaint sa House of Representatives, na inihain ng dati niyang partido, ang National Unity Party (NUP), kaugnay ng kanyang mga post sa social media at ugaling umano’y hindi angkop sa isang opisyal ng gobyerno at maaaring mag-udyok ng sedisyon.

Inaakusahan din siya ng paglabag sa Code of Conduct for Public Officials and Employees dahil sa mga diumano’y hindi naaangkop na social media posts na nagpapakita ng kawalang-galang sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Ang 27-taong-gulang na bagong mambabatas ay umani rin kamakailan ng batikos matapos niyang ipanawagan ang pag-abolish sa Philippine Coast Guard (PCG), na tinawag niyang “sayang sa pondo ng gobyerno,” at inakusahan pa ng korapsyon kahit walang ipinakitang ebidensya laban sa ahensyang nagbabantay sa karagatang sakop ng bansa laban sa mga paglabag ng Tsina.

Tinawag ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela ang mga pahayag ni Barzaga na “mapanlinlang at nakakapagpasiklab ng damdamin,” at sinabing “labis nitong binabaluktot ang mandato, operasyon, at mismong layunin ng aming serbisyo sa sambayanang Pilipino.”

Samantala, habang naghahanda ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na pinangungunahan ng Philippine National Police (PNP) para sa mga anti-corruption protests sa Nobyembre 30, sinabi ni PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na pinag-aaralan nila ang mga posibleng “threat groups” na maaaring makialam sa mga demonstrasyon at pigilan ang pag-ulit ng karahasang nangyari noong Setyembre 21 sa Maynila.

“The PNP is still collecting data. How many people will be rallying? Where will they rally? Who are the threat groups?,” ayon kay Nartatez.

Dagdag pa niya, “Our PNP is continuously collating all the data so that we can make a solid plan to maintain security and order… to prevent violence.”

Naging marahas ang mga rally noong Setyembre 21, kung saan sinunog ang mga sasakyan, naghagis ng mga Molotov cocktail, at inalisdan ang mga tropa ng PNP Civil Disturbance Management (CDM) sa Claro M. Recto Avenue, Ayala Bridge, at Chino Roces (dating Mendiola) Bridge sa Maynila.

Ayon kay PNP-CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander A. Morico II, 97 “persons of interest” ang sinampahan nila ng kasong kriminal kaugnay ng karahasang iyon.

Ang mga kasong isinampa sa DOJ ay para sa inciting to sedition, conspiracy and proposal to commit rebellion, insurrection, sedition, at inciting to sedition sa ilalim ng Articles 136, 139, at 142 ng Revised Penal Code, ayon kay Morico.

Dagdag pa niya, ang mga sinampahan ay mga “taong direktang nasangkot sa marahas na insidente” sa Mendiola Bridge at Claro M. Recto Avenue.

“The instigators, including yung mga nagfu-fund and those who are behind the planning. Ongoing yung investigation natin. Walang sisinuhin,” ani Morico, na tumangging pangalanan ang iba pang akusado.

Ayon sa mga source, ilan sa mga sinampahan ay mga iskolar ng pamahalaan, mga lider-estudyante, at dating mambabatas, na itinanggi ang kanilang pagkakasangkot sa gulo.

Isa sa mga “persons of interest,” ayon kay Morico, ay isang lalaking nakuhanan sa video na sumisigaw ng “Susunugin ang Malacañang!”

Ayon naman kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf T. Tuaño, ang mga kasong isinampa laban sa 97 indibidwal ay hiwalay pa sa mga posibleng kaso laban sa 40 pang tao.

“This is just the first batch. Those who have been issued a subpoena are in batch two,” aniya.

Sinabi ni Lt. Gen. Nartatez Jr. na handa na ang PNP para sa inaasahang malaking anti-corruption protests sa Nobyembre 30, at tiniyak na ipatutupad ang maximum tolerance.

“Maximum tolerance is a must… we are investing on non-lethal equipage including protective gears for the police,” aniya. “For sure, the police operational procedures will be employed religiously.”

Tiniyak ng PNP chief na mapapanatili ang kaayusan at seguridad, at kasalukuyan silang nangangalap ng datos para sa kanilang security plan.

Ayon kay Nartatez, ang mga impormasyon na ito ay mahalaga rin noong paghahanda nila sa Sept. 21 rally, kaya naglagay sila ng mga harang sa mga daan patungo sa Malacañang at Mendiola Bridge.

“Kaya nga hinarang, may barriers doon… tama ang projections kaya we put enough officers,” ani Nartatez.

“After Sept. 21, we’ve been preparing, continuing to monitor personalities and threat groups… kaya nga we filed charges against some people.”

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan din sila sa mga lokal na pamahalaan para maglagay ng karagdagang CCTV cameras at seguridad upang maiwasan ang pag-uulit ng marahas na demonstrasyon.

Sa ngayon, pinag-aaralan din ng PNP ang pagpapatupad ng curfew at pagbabawal sa mga backpack, katulad ng mga panuntunang ipinapatupad sa Feast of the Black Nazarene sa Quiapo.