Calendar
Tinio kay Pulong Duterte: Datos sa iregularidad na flood control sa Davao mula DPWH; ICI ang nakatuklas ng bumagsak na proyekto
TUMUGON nitong Huwebes si ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio sa hamon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na bumisita siya sa Davao, at nilinaw na ang mga datos na naglalantad ng P4.35 bilyong halaga ng mga flood control project na may “red flag” ay galing mismo sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Aba, parang hindi naintindihan ni Congressman Duterte ang punto. Ang mga datos na aking ipinakita—na nagpapakitang 80 sa 121 kontrata na nagkakahalaga ng P4.35 bilyon ay may seryosong iregularidad—ay mula mismo sa mga rekord ng DPWH, sa kanilang website, at sa mga opisyal na dokumento ng badyet. Ang ginawa lang namin ay i-analyze at i-cross-check ang mismong datos ng gobyerno,” pahayag ni Tinio.
Ipinunto rin ng mambabatas na maging ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay nakakita ng malalaking anomalya sa mga flood control project ng Davao City sa kanilang kamakailang inspeksyon.
“Natuklasan ng ICI na ang isang flood control project sa Davao River sa Matina Gravahan ay bumagsak walong buwan lang matapos itong matapos noong Mayo 2023. Ayon kay ICI Special Adviser Rodolfo Azurin Jr., kailangang imbestigahan kung substandard na materyales ang ginamit o kung mali ang halo ng semento,” ani Tinio.
Binanggit din niya ang pahayag ni Azurin: “I think we have to review the contract so that we can determine what sanctions we can impose on the contractors as well as those who supposedly implemented the project.”
“Ngayon, sabi ni Congressman Duterte, na-inspeksyon at na-validate na raw ng DPWH at COA ang mga proyektong ito. Pero mismong team nina Azurin at ICI adviser Mayor Magalong ang nakakita ng bumagsak na proyekto at kinukwestyon na ngayon ang materyales at hinihingi ang review ng kontrata at posibleng parusa. Sino ba talaga ang dapat paniwalaan?” tanong ni Tinio.
Binigyang-diin ni Tinio na ang kanyang exposé ay naglantad ng limang kategorya ng seryosong iregularidad:
Total overlap – P135.14 milyon
Double funding – P115.09 milyon
Pagbabago ng lokasyon at pandaraya sa implementasyon – P484.04 milyon
Mga kontratang walang tamang detalye o specifications – P3.44 bilyon
Mga kontratang hindi kasama sa aprubadong badyet – P622.57 milyon
“Iniimbitahan ako ni Congressman Duterte na maglakad sa tabing-ilog at tingnan ang mga proyekto. Pero ang tanong: hindi lang kung may mga istruktura—kundi kung tama ba ang mga istrukturang itinayo, nasa tamang lugar ba, ginawa ba ayon sa tamang pamantayan, kayang labanan ang baha, at ginastos ba nang tama ang P4.35 bilyon o napunta sa bulsa ng mga kontratista at tiwaling opisyal,” ani Tinio.
Idinagdag pa ni Tinio na ilan sa mga kontraktor na paulit-ulit lumalabas sa mga “flagged projects” ay may kilalang koneksyong pampulitika, kabilang ang isang kalahating kapatid umano ni Senador Bong Go at isang pag-aari umano ng nag-donate sa kampanya ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte noong 2022.
“Hindi ito mga walang basehang paratang o pulitikang palabas. Ito ay mga dokumentadong iregularidad sa mismong rekord ng DPWH na kinasasangkutan ng bilyon-bilyong pondo ng bayan at mga kontraktor na may malinaw na koneksyong pampulitika sa pamilya Duterte at kanilang mga kaalyado,” diin ni Tinio.
Inihayag din ng mambabatas na magsusumite siya ng House Resolution sa susunod na linggo upang humiling ng imbestigasyong kongresyonal, at pormal ding hihilingin sa Commission on Audit (COA), Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Office of the Ombudsman na magsagawa ng kani-kanilang sariling imbestigasyon.
“Ang sabi ni Congressman Duterte, wala raw itinatago ang Davao. Maganda kung ganoon—kung gayon, dapat niyang malugod na tanggapin ang isang buong, malinaw, at tapat na imbestigasyon sa lahat ng flood control at infrastructure project sa kanyang distrito.
Karapatan ng sambayanang Pilipino na malaman kung paano ginastos—o maaaring nalustay—ang P4.35 bilyong pondo ng bayan,” pagtatapos ni Tinio.

