Calendar
Makikita sa larawan ang mga umano’y ilegal na istrukturang natuklasan noon ni dating Mayor Lazatin sa loob ng protektadong watershed area noong 2024. Bilang mambabatas ngayon, nananawagan siya sa DENR na tiyaking ipatupad nang buo ang no-build zone upang maiwasan ang mga trahedya sa hinaharap.
Pampanga solo nanawagan sa DENR na ipatupad ‘no-build’ zone sa Sapangbato watershed
NANAWAGAN si Pampanga First District Representative Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. sa Department of Environment and Natural Resources na mahigpit na bantayan at ipatupad ang “no-build zone” sa Sapangbato Protected Agricultural Land and Watershed sa Lungsod ng Angeles, upang maiwasan ang mga kalamidad na katulad ng kamakailang pagbaha sa Cebu.
“Nakita na natin na lahat ng sakuna na nangyari ay dulot ng pagkalbo sa mga bundok at kagubatan – huwag na nating hintayin pa na mangyari din ito sa Unang Distrito ng Pampanga,” ani Lazatin.
Sa isang liham na ipinadala sa DENR noong Nobyembre 11, humiling si Lazatin ng tulong upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng Comprehensive Land Use Plan (CLUP) 2021–2030 ng Lungsod ng Angeles, na nagtatalaga ng 546 ektarya ng bahagi ng Sapangbato bilang protektadong lupang agrikultural kung saan ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga gusali.
Hiniling din niya ang kooperasyon nina Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, ng pamahalaang lungsod, at ng mga ahensyang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Clark Development Corporation (CDC) — na kapwa may mga lupang sakop ng watershed — upang isaalang-alang ang mga epekto sa kapaligiran bago aprubahan ang anumang proyekto ng pagpapaunlad.
Ipinahayag din ng kongresista na noong siya ay alkalde pa, ipinasara ng pamahalaang lungsod ang ilang ilegal na establisimyento gaya ng mga restoran at resort na itinayo sa loob ng protektadong lugar, na labag sa CLUP.
Hinimok din niya ang mga residente na makilahok sa pangangalaga ng watershed at ipagpatuloy ang mga proyekto ng reforestation na sinimulan pa noong 2019.
Sa ilalim ng kanyang administrasyon, 145,041 punla ng puno ang naitanim sa pakikipagtulungan ng Abacan River and Angeles Watershed Advocacy Council, Inc. (ARAW-ACI).
Binigyang-diin ni Lazatin, batay sa mga pag-aaral sa ibang bansa, na ang mga kagubatan ay nagsisilbing natural na depensa laban sa pagbaha — sumisipsip ng labis na tubig-ulan at nagpapababa ng panganib ng pagbaha — kaya’t mahalagang maprotektahan at mapanumbalik ang Sapangbato Watershed.
“Nananawagan ako sa ating mga kababayan na makiisa sa adbokasiyang ito at tumulong sa reforestation ng Sapangbato,” wika ni Lazatin.

