Bernardo Si dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo Kuha ni JOSEPH MUEGO

Paratang ng ex-DPWH usec itinanggi ng mga senador

216 Views

MAS lumawak ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee matapos palawakin ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo ang kanyang affidavit tungkol sa umano’y “commitments” mula sa mga contractor kapalit ng paglalagay at pag-apruba ng flood-control projects. Giit niya, umaabot mula 12% hanggang 25% ang hinihinging porsyento.

Inilahad ni Bernardo ang mga pakikipag-ugnayan umano sa mga engineer at tagapamagitan na tumutulong sa pagbuo ng project lists at sa koleksiyon. Hindi rin umano mabibilang ang personal niyang paghahatid ng pera, kabilang ang sa Cavite, Quezon City, at sa Artiaga Building sa San Juan.

Hiniling ng mga senador ang bank records, written notes at iba pang matibay na ebidensiya. Iginiit nilang hindi sapat ang verbal testimony para sa bilyong pisong alegasyon.

Nabanggit ni Bernardo si DPWH Secretary Manuel M. Bonoan na tinawag niyang “mentor,” ngunit agad namang itinanggi ni Bonoan ang anumang ilegal na gawain at sinabing “hindi ko kailanman pinayagan ang anumang koleksiyon.” Ganito rin ang pagtanggi ni dating undersecretary Cathy Cabral na iginiit na lahat ng proseso noong kanyang panahon ay alinsunod sa DPWH rules.

Ilang senador ang nabanggit sa mga umano’y transaksiyon sa pamamagitan ng mga tagapamagitan. Lahat sila ay naglabas ng pagtanggi. Tinawag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mga alegasyon na “well-orchestrated plan to attack the Senate.” Iginiit ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na “wala siyang inuutos na anumang koleksiyon.” Mariin ding itinanggi ni Sen. Jinggoy Estrada ang anumang ilegal na transaksiyon.

Nilinaw ng kampo ni Sen. Grace Poe na “hindi siya kailanman nag-authorize ng solicitation.” Tinulan din ng tanggapan ni Sen. Nancy Binay ang pahayag, habang itinanggi ng opisina ni Sen. Sonny Angara na si Usec. Trygve Olaivar ay kumatawan sa kaniya para sa anumang koleksiyon.

Naglabas din si Sen. Mark Villar ng matigas na pahayag na ang alegasyon ay “isang malaking kasinungalingan” at pinaninindigan niyang malinis ang kanyang rekord bilang lingkod-bayan.

Itinanggi rin nina Rep. Zaldy Co, Rep. Florida Robes at Rep. Mitch Cajayon-Uy ang kanilang pagkakasangkot at sinabing hindi sila nag-utos sa sinuman na mangolekta ng pera mula sa mga contractor.

Binalingan naman ni Sen. Erwin Tulfo ang DOJ ukol sa flight risks. Giit niya, “hindi sapat ang lookout bulletin,” dahil tanging hold departure order lamang ang maaaring pumigil sa pag-alis. Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon na wala silang legal na basehang pumigil hangga’t walang kasong naisampa.

Sinuri rin ng komite ang pahayag ni DPWH engineer Henry Alcantara tungkol sa “special requests” na may 10% advance commitment. Nakita ito ng mga senador bilang indikasyon ng iregularidad sa ilang proyekto.

Inihayag din ng Senado ang naunang datos tungkol sa ghost projects sa Region 1, MIMAROPA, Occidental Mindoro at Zamboanga City na nagkakahalaga ng P367.15M.

Nanindigan ang mga senador na lahat ng nabanggit sa testimonya ay presumed innocent at hindi pa napatutunayang may pananagutan.

Nag-adjourn ang pagdinig sa direktiba kay Bernardo na dalhin ang kumpletong project lists at dokumento. Sinabi nilang maaaring gamitin ang NBI at AMLC para i-trace ang umano’y daloy ng pera.

Samantala, nabigo na naman ang mag-asawang Discaya na dalhin ang kumpletong ledger mula 2016 hanggang kasalukuyan—mga dokumentong unang hiniling ni Sen. Risa Hontiveros. Ayon sa mga senador, ang patuloy na hindi pagsunod ay maaaring humantong sa contempt.