Pic1

Tino, Uwan victims tiyak ang ayuda sa DA

Cory Martinez Nov 15, 2025
558 Views

NAGPAMAHAGI na ang Department of Agriculture (DA) ng mga emergency aid and farm inputs upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda makabawi mula sa pinsalang natamo mula sa dalawang bagyo.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., umaabot sa P2 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura na dulot ng bagyong Tino at Uwan.

Sa Catanduanes pa lang, ani Tiu Laurel, aabot na sa P1 bilyon ang napinsala sa abaka, niyog at sa pangisdaan.

“For abaca alone, the damage in Catanduanes is nearly P700 million.

Coconut plantations were almost wiped out—it (situation) is not good. We’re still assessing, these are preliminary figures, but I would assume that the total impact of both storms could reach P1 billion to P2 billion,” sabi ni Tiu Laurel.

Tiniyak ni Tiu Laurel na handa ang ahensya sa post-typhoon assistance, kabilang na mababang interes sa mga recovery loans, insurance indemnification, financial at fuel aid, at inputs tulad ng binhi, fertilizer, fingerlings, bangka at fishing gear, upang tulungan ang magsasaka at mangingisda na makabawi agad mula sa kalamidad.

Naglaan ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ng P251 milyon para sa pambayad sa mga insured farmer para sa mga nasira nilang produkto dahil sa bagyong Tino at Uwan.

Pinakilos na rin ng DA ang Quick Response Fund (QRF) and Survival and Recovery Loan Program upang suportahan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Nag-aalay ang SURE program ng pautang ng hanggang P25,000 sa mababang interes at babayaran sa loob ng limang taon at naglabas ang Department of Budget and Management ng halagang P1 bilyon bilang pandagdag sa QRF.

Sinabi naman ni Tiu Laurel na sa kabila ng malaking impact ng bagyong Uwan sa mga rice-producing province tulad ng Nueva Ecija, Pangasinan at La Union, may sapat na suplay sa pagsimula ng 2026 na pupunan ang 70 araw.

Dagdag pa ng kalihim na gaganda na dapat ang stock kapag tinanggal na ang ban sa rice import sa katapusan ng Disyembre.