LGU

Sen. Win: Tiyakin infra projects naiko-cordinate sa LGU

237 Views

NANAWAGAN si Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyaking lahat ng proyektong pang-imprastraktura ay naipapaalam at naiko-coordinate sa mga kinauukulang local government units upang maiwasan ang korupsyon at matiyak na tumutugon ang mga proyekto sa pangangailangan ng komunidad.

Si Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, ay nagsabing ang lahat ng panukalang proyekto para sa 2027 national budget ay dapat masusing masuri at ma-coordinate sa mga LGU bago isumite.

“Maraming cases ngayon na ‘yung mga projects bigla na lang sumusulpot sa kanilang lugar pero hindi alam ng mga LGUs,” sinabi ng senador, na binanggit ang bilyong pisong flood control projects sa Oriental Mindoro na umano’y hindi alam ng mga lokal na opisyal.

Dagdag pa niya, dapat munang konsultahin ang mga LGU bago isama ang isang proyekto sa National Expenditure Program, ang detalyadong spending plan ng ehekutibo.

Tinukoy rin ni Gatchalian na humigit-kumulang 35% lamang ng mga proyektong inindorso ng regional development councils sa ilalim ng Department of Economic Planning and Development ang napapasama sa NEP.

“Kailangan nating iwasan itong mga uncoordinated projects; ang pinaka magandang scenario ay aprubado ang mga ito ng RDCs,” pagtatapos ni Gatchalian.