PNP1

DILG pinalakas kakayahan ng PNP

Jun I Legaspi Nov 17, 2025
276 Views

PINAGTIBAY ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Johnvic Remulla ang kakayahan sa mobilidad at pagpapatrolya ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng mga bagong kagamitan.

“Ang pinakamalaking problema ng PNP natin ay mobilidad. Sa Metro Manila lalo na, mayroon tayong higit sa 40,000 na pulis ngunit 500 lamang ang sasakyang ginagamit,” sabi ni Remulla.

Target ng pamahalaan na makapaglaan ng karagdagang kagamitan sa susunod na dalawang taon.

“Kaya ang estratehiya natin para sa 2026 at 2027, dapat madagdagan ang ating force readiness mula sa kasalukuyang bilang. Kailangan nating magdagdag ng 2,000 police vehicles para sa buong Pilipinas,” aniya.

Kabilang sa mga bagong nabiling kagamitan ang 608 Personnel Carriers at Transport Vehicles, 438 Light at Heavy Motorcycles, 4,989 Protective Gears, 322 Aerial Drones, 505 Mobile Devices, at 3,155 Essential Firearms.

Ipinahayag din ni Remulla na inaasahang makatatanggap ang PNP ng karagdagang 500 sasakyan sa Enero 2026 at 600 pa sa Hulyo.

Upang mapahusay ang kakayahan sa komunikasyon, sinabi ng kalihim ng DILG na bibili ng humigit-kumulang 2,000 Push-to-Talk Over Cellular Communication Systems bago matapos ang taon.

Pinagsasama ng mga kagamitang ito ang body camera, cellphone, at radyo sa iisang yunit.

“Dati, hindi ganoon kaepektibo ang mga radyo na ginagamit ng ating mga pulis, at mahal pa ang mga cellphone.

Ngayon, ang ating POC ay body cam, cellphone, at radyo nang sabay-sabay. Napaka-epektibong paraan ng komunikasyon,” ayon kay Remulla.