Lacson

Lacson nasagwaan sa mga pahayag ni Imee

238 Views

PARANG hindi ugaling Pilipino”

Ito ang tinuran ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kung saan ay inamin niyang nasagwaan siya sa ginawang mga pahayag ni Senadora Imee Marcos at tinawag din niyang “un-Filipino” ang pag-atake nito sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Iglesia ni Cristo rally kamakailan lamang.

Para kay Lacson, ito aniya’y tahasang lumalabag sa malalim na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pamilya at paggalang at pagpapahalaga sa sariling dugo at laman na ating binibigyan ng dapat aniyay pagkalinga.

Binigyang-diin niya na sa kulturang Pilipino, ang pamilya ang pinakamahalagang institusyon, at ang paggalang sa kapatid ay tungkuling hindi maaaring isantabi. Kaya’t ang pagpapahiya sa sariling kadugo sa publiko ay malinaw na salungat sa asal-Pilipino na ating kinagisnan at kinaugalian..

Ayon kay Lacson, nakaramdam siya ng awa sa Pangulo matapos ihayag ni Senadora Marcos ang kanyang mga paratang sa harap ng napakaraming dumalo.

“Sa totoo lang, nakaramdam ako ng awa sa Pangulo. Bakit mo sisiraan ang sarili mong kapatid sa daan-daang tao kundi pulitika ang motibo? Nawalan ako ng bilib kay Senadora Imee,” aniya.

Dagdag pa niya, likas sa mga Pilipino ang pagprotekta sa dangal ng kapamilya. “Hindi katanggap-tanggap ito bilang isang Pilipino. Parang un-Filipino. Sarili mong kapatid sisiraan mo sa harap ng maraming tao? Sa religious gathering pa?” ani Lacson sa panayam ni Ted Failon.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa talumpati ni Senator Imee Marcos sa INC rally kung saan nagbitiw siya ng serye ng personal na paratang laban sa Pangulo at kanilang pamilya. Ang pagtitipon, na orihinal na nakatuon sa panawagan para sa transparency at laban sa korapsyon, ay nauwi sa hindi inaasahang paglalantad ng alitang pampamilya na nagdulot ng pagkabigla sa mga dumalo.

Binigyang-diin ni Lacson na ang pagpapahiya sa sariling kapatid sa publiko ay malinaw na un-Filipino, sapagkat itinuturo sa bawat tahanang Pilipino na ang mga problema sa pamilya ay dapat inaayos nang may paggalang, malasakit, at dignidad.