Bucor

Seguridad sa CIW pinaigting para sa pagdating ni Alice Guo

447 Views

GANAP na handa ang Bureau of Corrections (BuCor) na tanggapin si dating Bamban Mayor Alice Guo at iba pang indibidwal na maaaring iutos ng korte na ikulong.

Tiniyak ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na pinalalakas ang mga hakbang sa seguridad sa Correctional Institution for Women (CIW), kung saan ililipat si Guo matapos siyang hatulang mabilanggo nang habambuhay ng Pasig Regional Trial Court dahil sa qualified trafficking.

Ipinabatid ni CIW Corrections Technical Superintendent Marjorie Ann Sanidad kay Catapang na nakapag-deploy na sila ng karagdagang Corrections Emergency Response Team upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng pasilidad.

Lahat ng personnel ay nasa on-call status simula Huwebes.

Ipinaliwanag ni Sanidad na bilang bahagi ng standard operating procedure, sa oras na maipasa si Guo sa CIW, siya ay tatanggapin ng isang itinalagang receiving officer sa Reception and Diagnostic Center (RDC).

Kasama sa paunang proseso ang beripikasyon ng kanyang mga dokumento at mga dalang gamit bago siya isailalim sa limang araw na quarantine sa RDC, kung saan isasagawa ang masusing medikal na pagsusuri.

Pagkatapos nito, ililipat siya sa regular na dormitoryo ng RDC kung saan daraan siya sa kinakailangang orientation, diagnostics at qualification.

Matapos makumpleto ang 60-araw na proseso sa RDC, ililipat siya sa kanyang nakatalagang regular na dormitoryo sa Maximum Security Camp dahil siya ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.

Ipinaliwanag ni Catapang na bilang bagong salang person deprived of liberty, napakahalaga ng 55-araw na assessment period pagkatapos ng limang araw na quarantine upang matukoy ang kanyang pangangailangang sikolohikal at pisikal, dahil gagamitin ang impormasyong ito para bumuo ng indibidwal na treatment o programa.

Idinagdag pa niya na nagbibigay din ang RDC ng mga orientation program at educational session na layuning tulungan ang mga bagong inmate na makaangkop sa kapaligiran ng kulungan, habang nauunawaan ang kanilang mga karapatan at ang mga alituntunin ng pasilidad.