Mendoza

Digitalization sisimulan ng LTFRB sa Dec

Jun I Legaspi Nov 21, 2025
295 Views

MAGSISIMULA na ang digitalization program ng mga frontline services ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa buong bansa sa susunod na buwan.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, tinatapos na ng mga Information Technology (IT) experts ang sistemang binuo upang maisakatuparan ang online transaction na magsisimula sa confirmation ng mga sasakyan para sa pampublikong transportasyon.

“Ang utos para sa agarang digitalization ng government services ay magsisimula na sa susunod na buwan pagdating sa LTFRB. At sisimulan natin ito sa ating frontline services,” sabi ni Chairperson Mendoza.

“May sense of urgency na gawing mabilis at maginhawa ang lahat ng transaksyon sa LTFRB para sa ating libu-libong kliyente sa public land transportation sector na iisa ang hangad—mas mabilis at mas maayos na proseso,” dagdag ng chairperson.

Sa serye ng konsultasyon sa iba’t-ibang transport groups, nangako si Mendoza na tutugunan ang kanilang pangunahing mga alalahanin, kabilang na ang mga nakabinbing petitions at motions.

Natuklasan niya na mayroong 37,000 nakabinbing motions at petitions na umaabot pa ng dalawang taon.

Ayon kay Chairperson Mendoza, nagsasagawa na ang LTFRB Board ng mga hakbang upang pagsama-samahin ang lahat ng petitions at maresolba ang mga ito bago matapos ang taon.

Binigyang-diin niya na ang digitalisasyon sa ahensya ay patuloy na pahuhusayin hanggang masaklaw ang lahat ng transaksyon.

“Personal kong mino-monitor ang update sa LTFRB full digitalization efforts at sa susunod na buwan, ilulunsad na natin ang unang yugto—ang online transaction sa lahat ng ating frontline offices sa buong bansa,” sabi ni Mendoza.