Malaysia

2 PH biktima ng human trafficiking dineport sa Malaysia, balika Pinas na

Jun I Legaspi Nov 22, 2025
453 Views

DALAWANG Pilipina na biktima ng human trafficking at illegal recruitment ang ipina-deport at ligtas na nakabalik mula Malaysia.

Ang 23-taong gulang at 32-taong gulang na mga Pilipina ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Nobyembre 14 matapos ipadeport ng mga awtoridad sa Malaysia.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng Bureau of Immigration (BI), umalis ang dalawa sa Pilipinas noong Hunyo 30 sa pamamagitan ng isang illegal migration corridor na mas kilala bilang ‘backdoor’ exit, gamit ang Southern route mula Zamboanga patungong Tawi-Tawi.

Pagdating sa Malaysia, dinala umano ang mga biktima sa isang hotel kung saan sila ay nakatakdang ipasa at ilipat para sa ilegal na trabaho sa Cambodia. Kalaunan ay inaresto sila ng mga awtoridad sa Malaysia, na nagresulta sa apat na buwang pagkakakulong dahil sa paglabag sa immigration laws.

Sa tulong ng koordinasyon sa Embahada ng Pilipinas, ligtas na na-repatriate ang mga biktima pabalik sa bansa.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang panganib ng ilegal na pag-alis at mga hindi awtorisadong alok ng trabaho sa ibang bansa.

“Gawin nating babala ang kasong ito na ang pagtatangkang magtrabaho sa ibang bansa nang hindi dumadaan sa tamang proseso ay maaaring humantong sa pagkaka-intercept at deportation,” ani Viado.

Ipinakita rin ng tala ng BI na una nang nagtangkang umalis ang dalawang babae noong Mayo 2025 ngunit sila ay na-intercept bilang mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

“Ang pagpilit sa ilegal na pag-alis sa pamamagitan ng ‘backdoor’ exits ay hindi garantiya ng tagumpay at kadalasan ay nauuwi sa pagkakahuli, pang-aabuso, o pagbabalik sa bansa,” dagdag pa ni Viado.

Hinimok ng BI ang publiko na i-report ang anumang pinaghihinalaang kaso ng human trafficking o illegal recruitment sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pamamagitan ng 24/7 hotline na 1343.