POGO

BI idineport 23 Chinese na involved sa POGO

Jun I Legaspi Nov 22, 2025
200 Views

IPINA-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang 23 Chinese nationals na sangkot sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) activities at cyberfraud noong Nobyembre 21.

Ang deportasyon ay kasunod ng pagpapatibay ng Anti-POGO Law na nilagdaan ng Pangulo at nagtatakda ng mas mabigat na parusa at nagpapalakas sa kapangyarihan ng pamahalaan na ipasara ang mga ilegal na pasugalan at kaugnay na scam operations.

Batay kay Atty. Alexi Val Arciaga, hepe ng deportation at implementation unit ng BI, sumakay ang 23 sa Philippine Airlines flight patungong Shanghai Pudong International Airport mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Biyernes.

Lahat ng indibidwal ay may deportation orders dahil sa paglabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas, kaugnay ng POGO-like activities, pandaraya at pagiging wanted criminals sa kanilang sariling bansa.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pagpapatalsik sa 23 deportees ay nagpapatunay sa determinasyon ng administrasyon na linisin ang bansa mula sa mga dayuhang sangkot sa ilegal na gawain, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tiyakin ang pambansang seguridad.

“Hangga’t patuloy na umiiral ang mga ilegal na online gaming facilities at scam hubs, magpapatuloy ang aming enforcement operations.

Asahan ng publiko ang mas marami pang pag-aresto at deportasyon sa mga susunod na araw. Sisiguraduhin naming ang mga lumalabag sa ating batas ay agad na maaalis,” sabi ni Viado.