EXPO

KNP Expo ’25 pinaghahandaan ng DA

Cory Martinez Nov 23, 2025
231 Views

NAGHAHANDA ang Department of Agriculture (DA) para sa mga murang pagkain na bahagi ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) Expo 2025 sa Nob. 28 na magiging sentro ang P20 kada kilo ng bigas.

Inoorganisa ang event kasama ang mga national partner agencies at Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs).

Tampok ngayong taon ang “Benteng Bigas, Meron Na!” rice project, ang pangunahing bahagi ng Rice-for-All (RFA) program.

Pinakamalaking rollout ng programa sa Metro Manila ang expo at magbibigay pagkakataon sa mga consumer na makabili ng P20/kilong bigas habang ipapakita kung paano susuportahan ng inisyatiba ang mahihinang sektor, kabilang na ang mga magsasaka, farmworkers, mangingisda, transport groups, at mga pamilyang mababa ang kita.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga bisita na makita ang operational model ng programa, mga tagumpay at ang papel nito sa pagpapalakas sa pagkain ng bansa at seguridad sa nutrisyon.

Ang KNP Expo 2025 ay magtatampok ng expanded KADIWA network, kabilang na ang food hubs, centers, tindahan, model trucks at carts na dinisenyo upang mapatatag ang local supply chain at mapalawak ang access sa mga mahalagang bilihin.

Ipapakita din sa expo ang mga kwento ng tagumpay sa kita ng mga magsasaka, pagganda ng ani sa kanayunan, access sa pagkain ng mga pamilya at katatagan ng lokal na ekonomiya na manghihikayat pa lalo para makilahok at mamuhunan sa agri-fishery sector.

“Hindi lang ito isang merkado – ito ay instrumento ng gobyerno na naaayon sa polisiya, pagpapalakas sa komunidad at pag-unlad ng agrifood systems,” sabi ni DA Assistant Secretary Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra.

Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na sumasalamin ang expo sa determinasyon ng Marcos government na gawing realidad araw-araw ang pangarap na seguridad sa pagkain.

“Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ugnayan ng producer at consumer at pagputol sa mga kawalang kakayahan sa supply chain, nakapagtatag tayo ng mas pantay at napapanatiling sistema ng pagkain,” ani Tiu Laurel.

Iniimbitahan ng DA ang mga consumer, development partners, mga mananalisksik at stakeholders na bumisita sa tatlong araw na expo, alamin ang maraming murang produktong agrikultura, at maging bahagi sa alok na P20 bigas.

Magkakaroon din ng libreng Agribusiness Investment Forum sa Nobyembre 29, na tatalakay sa mga pananaw sa market trends, mga oportunidad sa value chain, at mga oportunidad na mamuhunan sa agri-fishery sector.