Military Source: File photo

Lacson tinuligsa panawagan para sa transition council

158 Views

TINULIGSA ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang mga panawagang magtatag ng military-backed “reset” o “transition council,” at iginiit na hindi dapat mauwi sa extra-legal na hakbang ang galit ng publiko sa umano’y katiwalian sa flood-control projects.

Sa panayam sa DZBB, sinabi ni Lacson na ilang retiradong opisyal ng militar ang nagpadala sa kanya ng mensahe para sa isang civil–military junta at inalok pa siyang maging bahagi nito, ngunit hindi niya ito pinansin. “Meron pang offer maging part ako ng junta, ng council… kaya dine-dedma ko,” aniya.

Dagdag niya, kahit malalim ang pagkadismaya dahil sa umano’y systemic na katiwalian, hindi katanggap-tanggap ang anumang unconstitutional na solusyon. “Huwag naman sana mangyari kasi walang magandang maidudulot,” wika niya.

Ipinaliwanag ni Lacson na malinaw ang linya ng succession sa ilalim ng 1987 Constitution, na nagtatapos sa House Speaker. Ito umano ang dahilan sa pagpanukala niya ng “Designated Survivor” bill para palawigin ang succession line at isama ang pinakamatandang miyembro ng Senado at Kamara.

Ikinuwento rin niya ang pag-uusap nila ni Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na aniya’y suportado ang paghahabol sa corrupt ngunit tutol sa anumang karahasan. “Ang panawagan habulin ang corrupt, huwag magnasa ng kaguluhan,” sabi niya.

Binanggit ni Lacson ang pag-isyu ng arrest warrants laban kay dating Rep. Elizaldy Co at ilan pang kaugnay sa kontrobersya. Sa Senado, sinabi niyang halos magkaisa ang majority at minority sa mga reporma para matiyak na magiging malinaw at walang bahid ang 2026 budget.

Tinawag niyang “pinakamasama” ang 2025 budget na kanyang nasuri, kabilang ang pag-divert ng P50 bilyon sa lyon umano ang inilaan sa flood-control projects.

Bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Lacson na handa nilang ibahagi sa DOJ at Ombudsman ang mga ebidensyang nakalap kahit wala pang pinal na committee report. “Puwede kaming magpadala ng kopya… para magamit nila ang testimonies mula sa pagdinig,” aniya.