Ong

Alam mo kung nasaan si Cassandra Ong? Sabihin sa DOJ, may P1M ka

201 Views

NAG-AALOK ang Department of Justice (DOJ) ng PHP1 milyong pabuya para sa mga impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Cassandra Li Ong, isa sa mga pangunahing suspek sa kasong human trafficking na kinasasangkutan ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Central Luzon.

Sa isang press briefing noong Martes, sinabi ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na pormal na inaalok ng DOJ ang pabuya para sa “credible actionable information na direktang magdadala sa legal na pagtuklas, lokasyon, at kasunod na pag-aresto” kay Ong.

“Batid naman po natin sa nakalipas ay may kakayanan sila. May kakayanan na umikot, gumalaw, at makalabas at pumasok ng Pilipinas nang hindi natutukoy,” sabi ni Vida.

Dagdag pa niya, kahit na umano’y nakumpiska na ang passport ni Ong, posible pa rin niyang nakayang makalabas ng bansa gamit ang mga tinatawag na backdoor exits.

“Definitely, with the current information that we have, we don’t have enough. That’s why we’re offering the reward. And it’s an effective tool,” aniya.

Sinabi naman ni Justice Undersecretary Nicky Ty na ang cancellation order ng mga pasaporte nina Ong, dating presidential spokesperson Harry Roque, at dalawang iba pa ay pinal at ipinatupad na ng Department of Foreign Affairs.

Samantala, nilinaw ni Chief State Counsel Dennis Chan na ang kanselasyon ng passport ni Roque ay walang kinalaman sa kanyang nakabinbing aplikasyon para sa asylum sa pamahalaan ng Netherlands. Philippine News Agency