Calendar
Source: PNA file photo
Patuloy na pagkalbo ng kagubatan pinuna sa Senado
IPINUNTO ni Senador Erwin Tulfo ang patuloy na pagkalbo ng kagubatan kahit na bilyun-bilyong piso ang nailaan sa mga programa ng proteksiyon sa nagdaang mga taon.
Batay sa mga ulat ng environmental groups, tinatayang 9,000 ektarya ng Sierra Madre ang nawawala taon-taon, habang umabot sa 44,000 ektarya ang nawalang natural forest cover noong 2024.
Sa pagdinig ng badyet, tinanong ni Tulfo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung paano nagagamit ang pondo para sa proteksiyon ng kagubatan.
Sinabi niyang naghain siya ng panukalang batas na naglalayong bigyan ng ganap na proteksiyon ang Sierra Madre, kabilang ang total ban sa logging, mining at malalaking development projects sa loob ng kabundukan.
Ipinahayag ni Senadora Loren Legarda, sponsor ng 2026 DENR budget, na may ₱1.19 bilyon ang Natural Resources Enforcement and Regulatory Program (NRERP) at may dagdag na pondo para sa forest protection officers at forest guards. Umaabot sa ₱1.357 bilyon ang kabuuang pondo para sa forest protection.
Ayon kay Legarda, palalawakin ng DENR ang enforcement operations at paiigtingin ang onsite monitoring upang mapigilan ang ilegal na gawain sa mga protected area.

