Roque

Hontiveros suportado pagkansela ng passport nina Roque, Ong; iginiit na di ito solusyon sa problema

226 Views

SUPORTADO ni Senadora Risa Hontiveros ang hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte nina Cassie Li Ong at dating tagapagsalita ng Malacañang na si Harry Roque, na kapwa umano’y nahaharap sa mabigat na kaso ng human trafficking.

“Si Cassie Li Ong at Harry Roque ay nahaharap sa mabigat na kaso ng human trafficking. Dapat lang na kinansela ang pasaporte nila lalo pa na tila tinatakasan nila ang batas,” ayon kay Hontiveros.

Naniniwala ang senadora na maibabalik din sa bansa ang dalawa upang harapin ang mga kaso laban sa kanila. “I am positive that soon enough they will be brought home to face the charges against them. Hindi nila habambuhay matatakbuhan ang kanilang pananagutan.”

Bagama’t makatarungan ang kanselasyon ng pasaporte, iginiit ni Hontiveros na hindi ito dapat ituring na solusyon sa kabuuan ng problema. Kailangan aniya ang mas malalim na pagtutok sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na umano’y sangkot sa human trafficking at iba pang krimen.

“Our government must also not stop until other criminal syndicates that enabled these POGO scam hubs are made accountable,” aniya.

Binigyang-diin din ng senadora na hindi natatapos sa pagkakakulong ni Alice Guo ang laban. “The conviction of Alice Guo is not the end of the story. Hindi lang siya ang mananagot — dapat lahat na sangkot.”

Pinamumunuan ni Hontiveros ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, at matagal nang nagtutulak ng imbestigasyon sa mga krimeng may kaugnayan sa POGO, gaya ng human trafficking at cybercrime. Ilan sa mga huli’t kamakailang operasyon ang naglantad ng mga patagong aktibidad sa likod ng mga POGO hubs.

Sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA 11862), ang mga mapapatunayang nagkasala ay maaaring makulong habangbuhay at pagmultahin ng malaki. Karaniwang ginagamit ang passport cancellation kapag may banta ng pagtakas o may nakabinbing kaso.