Co

Hontiveros: Dapat lang na umuwi si Zaldy Co

259 Views

DAPAT lang na umuwi na si Zaldy Co.”

Ito ang panawagan ni Senadora Risa Hontiveros kasunod ng mga kontrobersyal na pahayag ni dating Kinatawan Zaldy Co laban sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan—na inilabas lamang sa social media.

Ayon kay Hontiveros, hindi maaaring umaksyon ang Senate Blue Ribbon Committee sa mga akusasyong inilathala online, maliban kung ito ay isusumite nang pormal, may panunumpa, at dumaan sa tamang legal na proseso.

“Well I think kaya dumadami yung mga legal experts na nagsasabi sa kanya, umuwi ka na, humarap dito, or at the very least, mag-submit ng affidavit, even through the Philippine representatives abroad,” aniya.

Sa mga naunang post, idinawit ni Co—na sinasabing nasa ibang bansa—ang Pangulo at si dating Speaker Martin Romualdez sa umano’y korapsyon. Ngunit binigyang-diin ni Hontiveros na kahit gaano kabigat ang mga paratang, kailangang pormal itong isumite upang maproseso nang legal.

“Kung may katotohanan ang kanyang mga sinasabi sa social media, dapat panindigan niya ito,” aniya. “Yung apostille, isang konkretong paraan para makapag-ambag siya sa imbestigasyon sa paraang legal at opisyal.”

Ipinaliwanag ng senadora na ang apostille ay isang internasyonal na sertipikasyon na nagpapatunay sa bisa ng mga dokumento gaya ng affidavit, upang ito ay kilalanin sa ibang bansa. Para sa mga awtoridad sa Pilipinas, ang anumang salaysay ni Co ay dapat ma-notaryo at ma-apostille ng kinauukulang ahensya sa bansa kung saan siya naroroon.

Dagdag pa ni Hontiveros, kahit may ilang testigo na tumatalakay na sa mga isyung inilahad ni Co, mananatiling walang bisa ang kanyang pahayag hangga’t hindi ito nasusunod sa legal na pamantayan.

“I can’t even begin to weigh that yet hanggat hindi siya humaharap nga sa aming Senate Blue Ribbon Committee,” aniya.

Pinamumunuan ang komite ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, na bukas umanong ipatawag si Co kung may sapat na dahilan.

Bilang halimbawa, binanggit ni Hontiveros ang sinumpaang salaysay ni Orly Guteza, na opisyal na tinanggap ng komite. Sa kanyang pahayag, muling iginiit ng senadora ang kahalagahan ng due process.

“He won’t achieve the full good that he says he wants to do kung hindi niya gawin lahat ng mga proper legal procedures,” aniya.