Calendar
TDC muling nanawagan ng dagdag sweldo para sa mga guro
NAGPASALAMAT ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa inaprubahang ₱1.044-trilyong budget para sa edukasyon sa 2026 ng Senado, at kinilala itong positibong hakbang kumpara sa pondo noong 2025.
Gayunman, sinabi ng grupo na “kulang pa rin” ang panukalang pondo dahil nabigong isama ang matagal nang hinihinging dagdag-sahod para sa mga guro at empleyado ng DepEd.
Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, pinahahalagahan ng grupo ang pagtaas ng pondo para sa mga programang tulad ng learning resources, feeding initiatives, at pagpapatayo ng mga silid-aralan, ngunit binigyang-diin niyang “ang sentro ng reporma sa edukasyon ay nananatili sa kapakanan ng mga guro.”
“Kinilala namin ang mas malaking budget, ngunit nakalulungkot na walang inilaan para sa dagdag-sahod. Hindi maaaring pag-usapan ng pamahalaan ang ‘education recovery’ kung iniiwan naman ang mga guro,” ayon kay Basas.
Muling iginiit ng TDC ang panawagan para sa ₱15,000 across-the-board salary increase, at binanggit na ang buong implementasyon nito ay mangangailangan lamang ng ₱210 bilyon—o ₱84 bilyon kung ipapatupad nang paunti-unti gaya ng nasa panukalang batas ni Senadora Risa Hontiveros—halagang mas mababa pa kaysa sa taunang pondo para sa flood control sa nakalipas na ilang taon.
Mas maaga ngayong taon, ang TDC—kasama ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at Freedom from Debt Coalition (FDC), at kinatawan ni Atty. Aaron Pedrosa ng SANLAKAS—ay naghain ng petisyon na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng 2025 national budget, matapos makita na mas malaki ang alokasyon sa DPWH kumpara sa pinagsamang pondo ng DepEd, CHED, at TESDA.
Habang pinuri ni DepEd Secretary Sonny Angara ang 2026 budget bilang isang “vote of confidence” sa mga reporma sa edukasyon, nanindigan ang TDC na ang tunay na pagbuti ng learning outcomes ay nakasalalay sa pagtitiyak na ang mga guro ay sapat na nababayaran at nasusuportahan.
“Maganda ang mas malaking budget. Pero kung hindi mamumuhunan sa mga taong nagtataguyod ng mga repormang ito araw-araw, hindi natin tinatamaan ang tunay na solusyon,” dagdag ni Basas.
Nangako ang TDC na itutulak ang panukala hanggang sa bicam level. Sinabi ni Basas na kabilang ito sa mga isyung kanilang isasama sa paglahok nila sa rally kontra korapsyon sa Luneta sa Nobyembre 30.

