Marcos

Handa akong humarap sa ICI anomang oras — Majo Marcos

240 Views

IPINABATID ni House Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos ng Ilocos Norte noong Huwebes sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang kaniyang kahandaan na humarap sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon hinggil sa mga proyekto sa flood control, at binigyang-diin ang kaniyang buong pakikipagtulungan at paggalang sa proseso.

Sa isang liham na may petsang Nobyembre 26, 2025, na ipinadala kay ICI Chairperson Andres B. Reyes Jr., sinabi ni Marcos na sinusuportahan niya ang gawain ng Komisyon upang “mabunyag ang katotohanan sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control.”

Sinabi ni Marcos na personal siyang haharap sa panel anumang oras na kailangan at bukas siya sa anumang pagkakataong makatulong sa fact-finding effort.

“Hayaan ninyong ipahayag ko ito nang malinaw at walang pag-aalinlangan: handa akong humarap sa Komisyon anumang oras,” sulat ni Marcos. “Tinatanggap ko ang pagkakataong magbigay-linaw sa anumang usaping makatutulong sa inyong pagsusuri.”

“Anuman ang posisyon at kung sino ka man, walang sinuman ang higit sa batas. Dahil wala akong itinatago, isinusumite ko ang aking sarili para sa imbestigasyon ng ICI sa lalong madaling panahon,” dagdag ni Marcos sa isang hiwalay na pahayag.

Inakusahan ni dating Rep. Zaldy Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations noong ika-19 na Kongreso, na nagkaroon umano ang batang Marcos ng halos ₱51 bilyon na budget insertions sa loob ng tatlong taon.

Iniulat ng dating mambabatas na nagkaroon umano ng budget insertions si Marcos na ₱9.3 bilyon noong 2023, ₱20.17 bilyon noong 2024, at ₱21.127 bilyon noong 2025.

Binigyang-diin ng Majority Leader na nananatili siyang bukas sa mga katanungan at handang maglinaw ng anumang isyu na makatutulong sa pag-usad ng imbestigasyon tungo sa resolusyon.

“Handa akong makipagtulungan, sumagot sa mga tanong, at magbigay ng anumang paglilinaw na kinakailangan upang maipagpatuloy ang imbestigasyong ito,” sabi ni Marcos.

Hiniling niya sa ICI na ipaalam sa kaniyang opisina ang iskedyul na ituturing nitong angkop, at tiniyak ang kaniyang buong kahandaang dumalo.

“Ipinangako ko na naroon ako,” diin ni Marcos.