Mga opisyal ng BARMM nag-courtesy visit sa Laguna

Gil Aman Nov 27, 2025
215 Views

GUSTONG matutunan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga aral na natutunan sa sistema sa paglago ng turismo sa Laguna.

Tinanggap ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna noong Nob. 27 ang mga opisyal mula sa Ministry of Trade, Investment and Tourism ng BARMM para sa benchmarking at courtesy visit na nakatuon sa pagpapaunlad ng turismo.

Naglalayong magbahagi ng kaalaman at palakasin ang ugnayan sa pagitan ng Laguna at BARMM sa larangan ng turismo ang programa.

Pinangunahan ang delegation ng Local Tourism and Cultural Affairs Officer (LTCATO) at Executive Consultant on Tourism Affairs, Rebecca Labit, habang ang courtesy call ay pinamunuan ni Atty. Nathalie Velasquez, Provincial Administrator.

Binigyang diin ni Labit ang kahalagahan ng pagbisita at ang pagiging kauna-unahang ganitong benchmarking sa Laguna.

“Ito po ay kauna-unahang nangyare sa probinsya ng Laguna, and it practically opened doors sa mga collaboration,” sabi niya.

Kasama sa delegation sina Deputy Minister Padian Macarimbang at Deputy Director Marites Maguindra.

Binanggit nila ang kahalagahan ng Laguna bilang makasaysayang probinsya at mayaman sa kultura bilang inspirasyon sa kanilang pag-aaral.

“Dahil ang Laguna ay isang makasaysayang probinsya ng ating bansa. Dami nyo rin rich heritage culture at higit sa lahat napaka-importante na makita naming at maintindihan natin yung sa aspeto ng governance at sa participation ng private sector,” sabi ni Maguindra.