PCSO

PCSO namigay ng 1,620 PTVs

Edd Reyes Nov 27, 2025
436 Views

UMABOT na ng 98% ang pamimigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng Patient Transport Vehicle (PTV) sa buong bansa matapos maipamahagi ang 1,620 nito sa may 1,642 na mga lungsod at munisipalidad.

Noong Martes, 82 bagong PTV ang naipamahagi ng PCSO sa Western Visayas at Negros Island Region na ginanap sa bagong Government Center sa Bacolod City.

Pinangunahan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang naturang kaganapan, kasama sina Chairman retired Judge Felix Reyes at Director Jennifer Guevara sa pamamahagi ng simbolikong susi sa mga lokal na opisyal.

Sabi ni GM Robles, ang 82 PTVs na kanilang ipinamahagi na kargado ng mga pangunahing gamit pang-emergency ay hindi lamang isang sasakyan kundi sumasagisag sa pagsasagip ng buhay ng mga residente sa Western Visayas at Negros Island.

Nagpasalamat naman sa PCSO si Mayor asataya dahil malaking bagay aniya ang natanggap na PTV na kailangan sa panahon ng sakuna at suportang pang-komunidad, lalu na kapag dinadalaw sila ng malakas na bagyo.

Para sa 2025, naglaan ang PCSO ng P1 bilyon para ipambili ng 395 pang behikulo.