Acidre1

Tinawag ni Acidre na ‘makasaysayan’ ₱1.38-trilyong badyet para sa edukasyon sa 2026

516 Views

‘Isang pahayag ng pambansang pagpapasiya’

MALUGOD na tinanggap ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre nitong Biyernes ang panukalang ₱1.38 trilyong badyet para sa edukasyon sa 2026, na tinawag niyang walang kaparis na pamumuhunan na naglalagay ng edukasyon “sa sentro ng ating pambansang agenda sa pagpapaunlad.”

Si Acidre, na pinamumunuan ang House Committee on Higher and Technical Education at isa ring co-chair ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ay nagsabing ang alokasyon—na katumbas ng 4.5% ng GDP ng bansa—ay nagpapakita ng matatag na pagtutok sa pagresolba sa matagal nang kakulangan sa sektor.

“Ang walang kaparis na antas ng suporta na ito ay nagpapakita ng matibay na pangako ng gobyerno na ilagay ang edukasyon sa sentro ng ating pambansang agenda sa pagpapaunlad.”

Sinabi niyang ang laki ng badyet ay sumasalamin sa agarang pangangailangang paulit-ulit na binigyang-diin ng EDCOM II sa pamumuno ni Executive Director Karol Mark Yee at ng mga miyembro ng komisyon.

“Ang makasaysayang antas ng pamumuhunang ito ay nagpapakita ng seryosong pagtugon ng gobyerno sa mga hamong kinahaharap ng ating sistemang pang-edukasyon.”

“Ipinapakita ng laki ng panukalang badyet na ang mga priyoridad na ito ay tinutugunan na ngayon ng mga kinakailangang pondo.”

Binanggit din ni Acidre ang mahalagang papel ng Department of Education, sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, sa pagpapatupad ng pinakamalaking bahagi ng alokasyon.

“Ang panukalang pondo ay makatutulong na mapanatili ang mahahalagang programa tulad ng ARAL, pagpapatayo at pagsasaayos ng mga silid-aralan, school-based feeding, pagkuha ng mga guro, at ang patuloy na modernisasyon ng basic education.”

“Lubos na nakahanay ang mga repormang ito sa mga rekomendasyon ng EDCOM II at sa pangmatagalang direksiyong itinakda ng Kongreso.”

Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa disiplinadong pagpapatupad habang pinangangasiwaan ng gobyerno ang tinawag niyang badyet na may makasaysayang saklaw.

“Ang badyet na ganito kalaki ay nangangailangan ng maingat na pamamahala. Tungkulin nating tiyakin na ang mga pondong ito ay nagagamit nang mahusay, na nananatiling matatag ang koordinasyon ng bawat ahensiya, at na bawat pamumuhunan ay nagdudulot ng tunay na pagpapabuti sa mga learning outcomes,” ani Acidre. “Napakahalaga ng epektibong implementasyon upang maipagpatuloy natin ang makasaysayang alokasyong ito tungo sa pangmatagalang progreso para sa ating mga mag-aaral at paaralan.”

Sinabi ni Acidre na makikinabang din ang sektor ng higher education at technical-vocational sa pinalakas na suporta para sa Higher Education Legislative Agenda ng Komite—mula sa mga reporma sa pamamahala ng CHED at mga programa para sa access ng estudyante hanggang sa digital transformation, micro-credentials, lifelong learning pathways, at mas malalim na pakikipagtulungan sa industriya.

Binigyang-diin niya na ang panukalang badyet ay higit pa sa isang numero sa 2026 General Appropriations Bill.

“Ang ₱1.38 trilyong badyet na ito ay higit pa sa isang bilang sa General Appropriations Bill. Ito ay isang pahayag ng pambansang pagpapasiya. Pinatototohan nito ang ating sama-samang paniniwala na ang edukasyon ay ang pinakamalakas na pundasyon para sa inklusibong pag-unlad at ang pinakamahalagang pamumuhunan na maaari nating gawin para sa ating mga mamamayan,” aniya.

Habang nagpapatuloy ang mga deliberasyon, nangako si Acidre ng patuloy na malapit na koordinasyon sa mga ahensiyang pang-edukasyon at sa EDCOM II “upang matiyak na ang makasaysayang alokasyong ito ay magdudulot ng makabuluhang progreso para sa bawat Pilipinong mag-aaral.”