BI

BEBOT NAHARANG NG BI DAHIL SA HIRAM NA MUKHA

Jun I Legaspi Nov 28, 2025
204 Views

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagharang sa isang 35-anyos na babae mula Sulu na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang tinatawag na “hiram na mukha” o shared identity.

Ito’y isang uri ng identity theft na ayon sa ahensiya ay patuloy na lumilitaw sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa mula sa malalayong probinsiya.

Pinigil ang naturang pasahero noong Nobyembre 24 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 habang tinatangkang sumakay sa eroplanong AirAsia patungong Kota Kinabalu, Malaysia.

Ipinasa siya sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng mga opisyal ng BI matapos matuklasan ang ilang iregularidad sa inspeksyon.

Sa paunang proseso, sinabi ng pasahero na hindi siya marunong sumulat at kinailangang tulungan sa pag-fill out ng travel form. Ipinahayag niyang patungo siya sa Malaysia upang pakasalan ang kanyang kasintahan, isang Malaysian national.

Gayunman, agad na napansin ng mga opisyal ang kahina-hinalang departure stamp mula 2020 sa kanyang pasaporte. Sa beripikasyon, napatunayang peke ang naturang tatak.

Dagdag pang beripikasyon ang nagpakita na hindi tumutugma sa opisyal na rekord ang umano’y travel history ng pasahero. Inamin din niyang nakalabas na siya ng bansa noong 2019 sa pamamagitan ng ilegal na ruta o “backdoor.”

Bagama’t tunay ang kanyang pasaporte at birth certificate, hindi tumugma ang larawan sa pasaporte sa biometric record ng BI, at ang mga naunang tala ng biyahe sa ilalim ng kanyang pangalan ay may ibang larawan.

Ayon sa mga awtoridad, malinaw na indikasyon ito na gumagamit siya ng peke o “hiram na pagkakakilanlan,” isang modus kung saan nagpapalitan o nanghihiram ng dokumento ang mga magkakamag-anak ― sa paniniwalang makakatulong ang pagkakahawig o ugnayan sa pamilya upang makalusot sa mga pormal na rekisito sa paglalakbay.

Binanggit ng BI na hindi ito ang unang insidente ng ganitong uri, at nagbabala na ang paggamit ng shared identity ay isang anyo ng identity theft na may mabigat na legal na kaparusahan.

“Hindi ito ang unang pagkakataon na nakakita kami ng mga kasong may shared identity,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.

“May ilang indibidwal, lalo na mula sa malalayong lugar, na maling akala na maaari nilang ipagamit ang pasaporte o personal na dokumento sa kamag-anak upang mapadali ang paglalakbay.

Hindi nila nauunawaan na ito ay identity theft ― isang mabigat na paglabag na maaaring humantong sa kasong kriminal at pangmatagalang pinsala sa tunay na may-ari ng dokumento,” aniya.

Binigyang-diin ni Viado na mas madaling matukoy ng makabagong sistema ng BI ang mga pagtatangkang manipulahin ang pagkakakilanlan, at nanawagan sa publiko na iwasan ang anumang gawain na may kinalaman sa paggamit ng hiram o peke na dokumento.

“Ang paggamit ng pagkakakilanlan ng iba, o ang pagpapagamit ng sarili mong dokumento sa iba, ay naglalagay sa iyo at sa iyong pamilya sa panganib. Sanay at may kagamitan ang aming mga opisyal upang matukoy ang mga impostor, at patuloy naming pipigilan ang sinumang magtatangkang bumiyahe gamit ang mapanlinlang na paraan,” dagdag pa ni Viado.