Calendar
5-anyos nakitang may sugat sa leeg, patay sa sapa
MAY mga sugat sa leeg at hinihinalang ginilitan gamit ang cutter nang matagpuan ang bangkay ng isang 5-anyos na bata sa sapa sa Argao, Cebu, noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya, huling nakasama ng biktima ang kanyang 8-anyos na pinsan.
Nagpa-alam umano ang biktima at pinsan nito na magtutungo lamang sa sapa sa Barangay Capio-an para manguha ng maliliit na alimango.
Gayunman, hindi na bumalik ang biktima, kaya tinanong ang pinsan nito subalit hindi ito nakasagot kaya’t agad na humingi ng tulong ang magulang ng bata sa mga awtordidad.
Sa ilang oras na paghahanap sa biktima ay natagpuan itong nakahandusay sa sapa at wala nang buhay, at may malalim na sugat sa leeg.
Ayon sa ina ng biktima, madalas na may bitbit na cutter ang pinsan ng kanyang anak kaya’t posibleng ito ang may kagagawan ng krimen.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang 8-anyos na pinsan ng biktima habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon.

