Calendar
Freeze order sa air asset sa Malaysia, Singapore ni Zaldy Co hiniling ipatupad
KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nakipag-ugnayan na ito sa mga katuwang na ahensya sa Malaysia at Singapore kaugnay ng ipinatupad na freeze order sa mga air asset na may kaugnayan kay dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at CAAP, nagpadala ang CAAP ng opisyal na komunikasyon sa Civil Aviation Authority of Malaysia (CAAM) at Civil Aviation Authority of Singapore (CAAS).
Nakasaad sa mga liham na ang mga sasakyang panghimpapawid ay sakop ng freeze order na inilabas ng Court of Appeals batay sa beripikadong ex parte petisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ang kautusan ay nag-uutos na walang transaksyon, paglilipat, paggalaw, konbersyon, pagtatago, o anumang uri ng disposisyon na may kinalaman sa naturang sasakyang panghimpapawid ang maaaring isagawa habang umiiral ang freeze order.
Nauna nang iniulat ng CAAP na ang dalawang AgustaWestland helicopter na sakop ng kautusan ay kasalukuyang nasa Kota Kinabalu, Malaysia, samantalang ang isang Gulfstream aircraft ay nasa Singapore.

