Ridon Bicol Saro Rep. Terry Ridon

Ridon nagpasalamat sa gobyerno sa pagsuspindi sa pag-impound ng LEV

255 Views

SINUPORTAHAN ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong Linggo ang desisyon ng pamahalaan na ipagpaliban ang nakatakdang pag-impound ng mga light electric vehicle (LEV) gaya ng e-trikes at e-bikes simula Disyembre 1, na aniya’y nagbibigay ng oras sa libu-libong gumagamit ng mga ito para paghandaan ang mga bagong regulasyon.

“Maraming salamat Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Department of Transportation Secretary Giovani Lopez at LTO Chief Markus Lacanilao sa pagsuspindi ng impounding operations ng light electric vehicles tulad ng e-trike at e-bikes bukas, December 1, 2025,” ani Ridon, na chair ng House committee on public accounts.

Sinabi ni Ridon, isang abogado mula sa University of the Philippines na kasapi ng House committee on transportation, na ito’y isang “mahalagang hakbang” upang matiyak na makakapag-adjust ang mga gumagamit ng LEV sa mga bagong at umiiral na patakaran ng pamahalaan nang walang pangamba sa biglaang pagpapatupad.

“Mahalagang hakbang ito para mabigyan ng pagkakataon ang mga LEV users na makapaghanda sa pagkakaroon ng mga bagong patakaran at pagpapatupad ng mga umiiral nang patakaran ng pamahalaan,” saad niya.

Binigyang-diin ni Ridon na makikipagtulungan ang Kongreso sa mga ahensiya ng transportasyon at mga stakeholder upang linawin at pasimplehin ang mga alituntunin sa pagpaparehistro at paglilisensya ng LEVs ― isang isyung nagdulot ng kalituhan at pangamba sa riders nitong mga nakaraang linggo.

“Sa bahagi ng Kongreso, tiyak na makikipagtulungan kami sa mga transport agencies at sa lahat ng mga apektadong sektor para linawin at pasimplehin ang proseso ng registration ng LEVs at paglilisensya sa mga gumagamit nito,” aniya.

Ayon kay Ridon, ang mga pangunahing layunin ng mga mambabatas na tatalakayin kasama ang mga regulator ay ang mga sumusunod:

-Pagtitiyak ng Land Transportation Office (LTO) registration ng lahat ng LEVs na may bigat na 50 kgs pataas, bago o luma mang mga sasakyan ito.

-Pagtitiyak ng pagkakaroon ng LTO driver’s license para sa lahat ng magmamaneho ng LEVs na may bigat na 50 kgs pataas.

-Pagkakaroon ng mandatory seminar on road safety sa lahat ng bumibili ng LEVs, anuman ang bigat.

Dagdag pa niya, sa mga usaping may kinalaman sa publiko, mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakasundo.

“Sa mga usaping pambayang katulad nito, mahalagang mag-usap ang lahat, pakinggan ang bawat isa, at magbuo ng mga patakarang makabubuti para sa lahat,” aniya.

Ang pansamantalang pagtigil sa pag-impound ay inaasahang magbibigay ng oras para sa riders, transport groups at regulators habang tinatahak ang paglipat tungo sa mas malinaw na pamantayan para sa mabilis na pagdami ng paggamit ng electric mobility sa bansa.