Nartatez PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Nartatez: Kinasuhan dahil sa bayolenteng Sept. 21 rallies umabot ng halos 200

Alfred Dalizon Dec 1, 2025
330 Views

HALOS 200 personalidad ang kinasuhan kaugnay ng marahas na anti-gobyernong protesta sa Maynila noong Setyembre 21, kung saan isang tao ang namatay at mahigit 100 pulis ang nasugatan matapos sunugin ng mga nag-rally ang mga sasakyan at sirain ang iba pang pasilidad ng gobyerno at pribadong sektor, ayon kay acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. nitong Lunes.

“May lumabag sa batas, medyo magulo and they resorted to violence and may namatay, nasugatan, nasirang properties resulting to the prosecution of the suspects. It was the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) and the Manila Police District which filed the cases for violation of Batas Pambansa 880, arson, physical injuries and even inciting to sedition,” sinabi ng pinuno ng PNP.

Ayon kay Nartatez, hindi bababa sa 200 personalidad ang kinasuhan at ang ilan sa mga kasong ito ay dinidinig na sa korte.

Sinabi pa ni PNP CIDG Director Major Gen. Robert Alexander A. Morico II na kabilang sa mga kinasuhan ang isang kongresista, isang retiradong mataas na heneral at ilang negosyante.

Ayon sa mga source ng Journal Group, kinilala ang kongresista bilang si Cavite Rep. Francisco Barzaga, gayundin ang ilang politiko, isang retiradong two-star general ng Air Force, ilang dating opisyal ng administrasyong Duterte at ilang student leaders.