Mendoza

LTFRB tinatapos application sa dagdag na buses

Jun I Legaspi Dec 2, 2025
388 Views

TINATAPOS ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagsusuri sa lahat ng aplikasyon para sa special permit ng mga pampasaherong bus kaugnay ng inaasahang dagsa ng mga biyahero sa mahabang bakasyon para sa Pasko at Bagong Taon.

“Hindi bale na mas marami ang mga pampasaherong bus na mabigyan ng special permit kaysa kulang dahil kawawa po ang ating mga kababayan na nai-stranded sa mga bus terminal kung walang sapat na bus,” ani LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II Mendoza.

“Inaasahan natin na mas marami ang magbibiyahe sa mga darating na araw dahil magsisimula na ang mga school break at uuwi ang mga estudyante sa probinsya. Yung iba naman ay pupunta sa Maynila at iba pang mga lungsod para magbakasyon, kaya dapat nating paghandaan ang lahat ng ito,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Mendoza na ang layunin na magbigay ng mas maraming pampasaherong bus ay hindi kailanman isasakripisyo ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

“Hindi na puwede na kung sino-sino na lang ang mabibigyan ng special permit. Ang kaligtasan at kaginhawaan ng pasahero ang palaging magiging prayoridad,” aniya.

Ang aplikasyon para sa special permit ay isinagawa mula Nobyembre 10 hanggang 21 na sumasaklaw sa 1,413 yunit para sa 116 na ruta sa buong bansa.

Ang mga special permit ay epektibo mula Disyembre 15, 2025 hanggang Enero 16, 2026.

Mas mataas ang bilang ng aplikasyon ngayon kumpara sa mga nakaraang taon base sa 1,003 aplikasyon noong 2024 at 1,174 noong 2023.

Ayon kay Chairman Mendoza, ito ay nagpapakita ng inaasahang pagdami ng mga pasahero, kaya’t dapat magtulungan ang LTFRB at mga transport operator para sa iisang layunin ng kaligtasan sa kalsada.

“Patuloy tayong makikipag-ugnayan sa lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa seguridad at kaligtasan. Hindi nagtatapos sa bus terminal ang ating monitoring, kailangan din nating bantayan ang mga kalsada sa tulong ng ating mga kasamahan sa PNP at LGUs,” ani Chairperson Mendoza.