Co Dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co

Palasyo bukas sa pabuya para Zaldy Co maaresto

220 Views

BUKAS ang Malacañang sa posibilidad na mag-alok ng gantimpalang salapi para sa impormasyon na magreresulta sa pag-aresto kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi pa napag-uusapan ng administrasyon ang plano na magbigay ng pabuya, habang patuloy ang mga awtoridad sa pag-verify ng ulat na nasa Portugal si Co.

Gayunman, inamin ni Castro na ang mungkahi na magbigay ng gantimpala para sa pagdakip kay Co ay isang “good suggestion.”

“Sa ngayon po, walang napag-uusapan sa ganyan. Pero since nadinig po sa inyo, maaari po siguro i-konsidera,” aniya.

Binigyang-diin ni Castro na iniutos na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng kaukulang ahensiya na makipag-ugnayan upang matunton si Co sa ibang bansa at matiyak ang kanyang agarang pagbabalik sa Pilipinas.

“Ang Pangulo po ay nag-utos na rin po na hanapin at pauwiin dito si Zaldy Co. Lahat po ng ahensiya na concerned, dapat pong alamin at makatulong para mapabalik po agad si Zaldy Co sa Pilipinas,” sinabi niya.

Hindi kinumpirma ni Castro ang mga ulat na nasa Portugal si Co, at sinabing patuloy pa ang beripikasyon ng mga ahensiya sa kanyang aktuwal na kinaroroonan bilang bahagi ng kanilang koordinadong hakbang.

Nauna nang iniutos ni Marcos ang agarang pag-aresto kay Co matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa tumakas na mambabatas. Philippine News Agency