Calendar
Acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
PNP nililinis hanay ng mga pulis na nagpatanggal sa tiwala ng publiko
PINAGTIBAY muli ng Philippine National Police (PNP) ang matatag nitong pangako sa integridad at pananagutan, kasunod ng pinakahuling ulat sa mga nalutas na kasong administratibo sa ilalim ng Internal Disciplinary Mechanism, bilang bahagi ng Integrity Monitoring sa PNP Focus Agenda ng organisasyon.
Mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 26, 2025, iniulat ng Directorate for Personnel and Records Management na 32,698 na pulis ang napatunayang nagkasala sa iba’t ibang kasong administratibo, patunay sa patuloy na pagsisikap ng PNP na panatilihin ang mataas na pamantayan ng propesyonalismo sa serbisyo.
Sa kabuuang bilang na ito, 9,027 personnel ang tuluyang inalis sa serbisyo, malinaw na indikasyon ng mariing paninindigan nito na linisin ang hanay mula sa mga indibidwal na sumira sa tiwala ng publiko, saad ng PNP.
May 1,725 namang pulis ang ibinaba ang ranggo, habang 15,311 ang sinuspinde matapos sumailalim sa due process.
Bukod pa rito, 1,221 personnel ang pinatawan ng forfeiture of salary, 4,355 ang binigyan ng reprimand, 528 ang nakatanggap ng restriction at 531 personnel ang pinagkaitan ng ilang pribilehiyo, bilang bahagi ng mga kaukulang parusang administratibo.
Ayon pa sa ulat, 1,037 sa mga tinanggal sa serbisyo ay sangkot sa mga kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga o nagpositibo sa drug test ― patunay sa walang humpay na kampanya nito laban sa “rogue cops” at sa mariing paninindigan ng organisasyon laban sa ilegal na droga, sa komunidad man o sa loob mismo ng institusyon, sinabi ng PNP.
Dagdag pa nito, lalong bumilis ang takbo ng reporma sa ilalim ng pamumuno ni acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Sa unang 92 araw ng kanyang liderato, 1,339 kasong administratibo na may kinalaman sa 2,308 personnel ang nalutas. Sa bilang na ito, 428 personnel ang tinanggal sa serbisyo, 71 ang ibinaba ang ranggo at 448 ang sinuspinde, habang ang iba ay pinatawan ng iba’t ibang parusa.
Kasabay nito, sinabi ng PNP na 1,152 kaso naman ang nagresulta sa dismissal o exoneration, na nagpapakita ng pangako nito sa katarungan, tamang proseso at pagsunod sa batas ― kung saan ang mga walang sala ay mapapawalang-bisa ang kaso, habang ang mga nagkasala ay maparurusahan nang naaayon.
Nagpahayag ng matapang at malinaw na mensahe si Nartatez na binibigyang-diin ang zero-tolerance policy ng organisasyon laban sa anumang uri ng misconduct.
“Ang PNP ay hindi magdadalawang-isip na disiplinahin at tanggalin ang sinumang sumisira sa tiwala ng taumbayan. Walang puwang ang ‘rogue cops’ sa institusyong ito. Our zero-tolerance policy is firm ― because public trust is non-negotiable,” aniya.
Binanggit din niya ang malaking responsibilidad na dala ng bawat pulis.
“Every badge must be carried with honor. Kung may iilang nadadapa o lumalabag sa batas, we will always act decisively. The PNP will continue cleansing its ranks while strengthening the culture of professionalism and service,” ani Nartatez.
“While the PNP is reasonably generous in giving due recognition and reward for outstanding performance, it is also swift and decisive in imposing punishment for breach of discipline and misconduct,” dagdag niya.
Nagpahayag din si PBrig. Gen. Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng PNP at chief ng Public Information Office, na: “These numbers reflect one clear message: the PNP is serious about accountability. Hindi kami magbubulag-bulagan sa mali, at hindi rin kami magdadalawang-isip na kilalanin ang tama. Our internal cleansing is firm, fair, and focused on restoring and strengthening public trust.”
Tiniyak ng PNP na mananatiling matatag, transparent at mahigpit ang pagpapatupad ng internal disciplinary processes, alinsunod sa mga patakarang nakapaloob sa PNP Memorandum Circular No. 20-2020.
Ang mga ito ay naglalayong tiyakin na ang organisasyon ay mananatiling kagalang-galang, mapagkakatiwalaan at karapat-dapat sa tiwala ng mamamayan.
“Sa pamumuno ng Acting Chief PNP PLt. Gen. Nartatez, the organization is showing that discipline is not optional ― it is the foundation of genuine police service,” sinabi ng PNP.
Dagdag pa nito, patuloy na pinalalakas ng PNP ang internal cleansing at institutional discipline, habang ipinagtitibay ang pangako nitong maghatid ng tapat, responsable at maaasahang serbisyo-pulisya para sa sambayanan.

