Budget

Mas malawak na suporta para sa mga batang may kapansanan pinanawagan

205 Views

NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo ng mas malawak at makabuluhang suporta para sa mga batang may kapansanan kasabay ng paggunita sa International Day of Persons with Disabilities.

Aniya, “nakakainsulto” ang kasalukuyang tulong na ibinibigay ng pamahalaan.

Sa kanyang talumpati sa Senado, ibinahagi ni Tulfo na iminungkahi niya ang ₱40 milyong dagdag sa budget ng 2026 para sa “Project Aruga,” isang programa ng DSWD na nagbibigay ng isang beses na ₱10,000 na ayuda sa mga pamilyang may anak na may kapansanan. Aniya, makatutulong ito upang madagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo at mapataas ang antas ng tulong.

Ngunit ayon sa senador, hindi sapat ang panandaliang ayuda. Matapos niyang i-post ang tungkol sa programa, bumaha raw sa kanyang opisina ang mga kuwento ng mga magulang na hirap alagaan ang kanilang anak na may Down syndrome, autism, cerebral palsy, ADHD, at iba pa.

“Ang unang pumasok sa isip nila sa sandaling malaman na may kapansanan ang kanilang anak ay kung ano ang mangyayari pag sila ay wala na,” ani Tulfo.

Marami raw magulang ang hindi agad nakikilala ang senyales ng kapansanan at napagkakamalang simpleng problema sa ugali. Kapag nalaman na ang kondisyon, kulang naman ang access sa mga therapist at therapy centers, lalo na sa mga probinsya. Dagdag pa niya, malaking balakid ang pamasahe at kawalan ng matutuluyan sa Maynila.

Ayon sa isang pag-aaral, mas mataas ng hanggang 80% ang gastusin ng pamilyang may anak na may kapansanan, habang bumababa pa ang kita dahil isa sa mga magulang ang kailangang manatili sa bahay para mag-alaga.

Iminungkahi ni Tulfo ang pagkakaroon ng pambansang rehistro para sa mga batang may kapansanan upang mapadali ang pagbibigay ng tulong. Isinusulong din niya ang pagpapalawak ng benepisyo mula sa PhilHealth, sapat na suweldo at training para sa mga therapist at SPED teachers, at pagsasanay para sa mga magulang o tagapag-alaga upang makapagbigay ng early intervention sa bahay.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Tulfo ang kanyang inihaing Senate Bill No. 1430 o Autism Bill, na naglalayong magkaroon ng pambansang sistema ng pangangalaga para sa mga may autism.

“Children with disability enter this world at a disadvantage,” aniya. “That is why, this ability to make it on their own is the best cure to their disability.”