Calendar
Dahil sa funds misappropriations, Chinese national laglag sa BI
NAARESTO ng mga Bureau of Immigration (BI) agents ang isang Chinese fugitive sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Dec. 1 dahil sa kasong misappropriation of funds na aabot sa mahigit P8 bilyon.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nasabat si Hao Bin, 57, matapos tangkaing dumaan sa Pilipinas mula Singapore papuntang US.
Subject si Hao ng Interpol red notice noon pang 2024 kaugnay ng kanyang kasong misappropriation of funds na paglabag sa Article 272 ng Chinese criminal law.
Isang kaso ang isinampa laban sa kanya ng Qingdao Economic and Technological Development Zone Branch ng Qingdao Public Security Bureau ng Shandong Province noong 2023.
Batay sa ulat, mula 2019 hanggang 2022, sinamantala ni Hao at mga kasama niya ang kanilang posisyon upang maglustay ng CNY 977.85 milyon (P8.1 bilyon).
Nahuli ang suspek, ayon kay BI Interpol Unit chief Peter David de Guzman, nang magbigay ng alert notice ang Advance Passenger Information System (APIS) bago dumating ang pasahero.
Ang APIS ay isang sistema na nangangalap at sumusuri ng impormasyon ng mga pasahero bago ang kanilang pagdating upang magsagawa ng advance vetting at assessment.

