DA baka mag-hire ng 20K agriculturists

Cory Martinez Dec 5, 2025
369 Views

AABOT sa 20,000 agriculturists ang pwedeng ma-hire sa sandaling maaprubahan ang panukalang batas na ibalik ang agricultural extension workers sa Department of Agriculture (DA), ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sinabi ng kalihim na naghahanda na ang ahensya para sa mass hiring dahil sa mga bagong batas na naglalayong palakasin ang food production at mangangailangan ng libu-libong agriculture at animal science professionals.

“Bawat isa ay magmo-monitor ng hanggang 25 ektarya na nangangahulugan ng pag-assists sa 25 magsasaka,” sabi ni Tiu Laurel.

Bukod sa extension personnel, mangangailangan ng maraming beterinaryo at graduates ng allied courses upang mapalakas ang livestock systems dahil sa naisabatas kamakailan na Animal Industry Development and Competitiveness Act.

Bilang paghahanda, nagsimula na si Tiu Laurel makipag-ugnayan sa Commission on Higher Education.

Ginawa ang pagsusulong sa kakayahan matapos ilabas ng Professional Regulation Commission ang pinakahuling resulta ng Agriculture Licensure Examination.

Sa 9,742 examinees, 6,678 ang nakapasa na inaasahan ng DA na pupuno sa maraming kailangang workforce upang suportahan ang modernisasyon ng agrikultura.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na ito ang mahalaga para sa pagbalangkas ng maayos na polisiya at mabilis na makatugon sa pangangailangan ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang players sa agri-value chain.

“Sa pamamagitan ng real-time data, mabilis tayong nakaaksiyon at masukat ang epekto ng ating mga programa–mula sa buto at fertilizers hanggang sa presyo ng palay,” dagdag ng kalihim.

Nakakapag-ambag ng tinatayang 9% sa gross domestic product ang agrikultura subalit nagbibigay lamang ng 1 trabaho sa bawat limang Pilipino.