Bigti Ang wala nang buhay na biktima habang kinakalagan sa kanyang pagkakabigti. Larawan ni GEMI FORMARAN

Bicolano nakagalit si misis, bumiyahe ng Quezon, nakitang nakibigti sa puno

Gemi Formaran Dec 5, 2025
407 Views

PAGBILAO, QUEZON – Matapos makagalit ang kanyang misis, isang mister na residente ng Quezon City ang nagmotorsiklo papuntang Quezon province saka pinaniniwalaang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa Quezon National Forest Park, Sitio Amao, Silagang Malicboy, sa bayang ito noong madaling-araw ng Huwebes.

Ayon sa ulat ni Major Nemecio Calipjo Jr., hepe ng Pagbilao Police Station, ang 46-anyos na biktima ay tubong Paracale sa Camarines Norte, empleyado ng isang malaking kompanya at naninirahan sa Commonwealth, Manggahan, Quezon City.

Sinabi ni Calipjo na matigas na ang bangkay ng biktima nang natagpuan ng ilang residente na nakabitin sa isang punongkahoy sa nasabing lugar.

Ayon kay Calipjo, bago nagbiyahe papuntang Quezon noong gabi ng Miyerkules ay nag-text muna umano ang biktima sa kanyang asawa, gayundin sa kanyang kapatid, at sinabi nitong magpapakamatay siya sa bayan ng Atimonan, Quezon.

Nakasaad umano sa text message ng biktima sa kanyang asawa na, “…dito ninyo ako matatagpuan sa Atimonan, Bitukang Manok, National Park. Paalam. Dalhin mo ‘yung wallet na may sulat saka ‘yung bag; nandiyaan ‘yung papel at susi ng motor para mapatunayan na inyo itong motor.”

Bukod dito, nag-iwan din umano ng sulat sa bahay ang biktima bago nagbiyahe.

“May pangalan akong nilagay sa secret pocket ng pantalon ko para may pagkakakilanlan ako. Wala akong kahit isang ID na dala, saka sa motor may pangalan ko. Sa gawing Quezon Province ninyo abangan ang balita, doon ako papunta,” saad niya sa liham.

Matapos namang matanggap ang text message ng nakababatang kapatid ng biktima, mabilis itong nagbiyahe mula Camarines Norte papunta sa Quezon kung kaya natagpuan nito ang wala nang buhay niyang kuya sa tulong ng ilang residente.

Wala namang nakitang foul play ang mga pulis na nag-imbestiga sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon kay Calipjo, dahil madaling-araw kung kaya marahil inakala ng biktima na nasa bayan na siya ng Atimonan na kalapit lamang ng bayang ito.

Hindi pa rin aniya malinaw kung ano ang pinagkagalitan ng biktima at asawa nito.

“Nasa ospital pa iyong misis n’ya dahil sumama ang pakiramdam at nahimatay nang nalaman ang nangyari sa biktima,” wika pa ng hepe ng pulisya.